36. Yaseen
1Ya Seen (mga titik Ya, Sa)
2Sa pamamagitan ng Qur’an na Tigib ng Karunungan (alalaong baga, hitik sa mga batas, katibayan, aral, atbp)
3Katotohanang ikaw (O Muhammad) ay isa sa mga Tagapagbalita
4Sa Tuwid na Landas (alalaong baga, nasa Pananampalataya ni Allah sa Islam at paniniwala sa Kanyang Kaisahan)
5(Ito ay isang) Kapahayagan na ipinadala (Niya), ang Pinakamataas sa Kapangyarihan, ang Pinakamaawain
6Upang iyong mapaalalahanan ang isang pamayanan na ang mga ninuno ay hindi napaalalahanan, kaya’t sila ay hindi sumunod (sa mga aral ni Allah)
7Katotohanan, ang Salita (ng kaparusahan) ay ganap na naging totoo laban sa karamihan nila, kaya’t sila ay hindi sasampalataya
8Tunay nga! Kami (Allah) ay naglagay sa kanilang leeg ng mga tanikalang bakal na umaabot hanggang sa kanilang baba, upang ang kanilang ulo ay hindi makatungo
9At Kami ay naglagay ng hadlang (panakip) sa harapan nila at hadlang (panakip) sa likuran nila, at sila ay Aming tinakpan upang sila ay hindi makakita
10Magkatulad lamang ito sa kanila, kahit na sila ay iyong paalalahanan o hindi paalalahanan, sila ay hindi mananampalataya
11Mapapaalalahanan mo lamang siya na sumusunod sa Tagubilin (ng Qur’an) at may pangangamba sa Pinakamapagbigay, Siya na nakalingid (Allah). Ibigay mo sa kanya (na may pananalig at pagkatakot kay Allah) ang magandang balita ng pagpapatawad at nag-uumapaw na gantimpala (Paraiso)
12Katotohanang Kami ang nagbibigay buhay sa patay, at Kami ang nagtatala kung ano ang kanilang ipinadala sa (kanilang) harapan, at kung ano ang kanilang iniwanan (alalaong baga, ang mga bakas ng kanilang hakbang patungo sa Moske sa pag-aalay ng limang takdang panalangin, Jihad [makadiyos na pakikipaglaban], ang lahat ng mga mabuti at masama na kanilang ginawa, atbp.); at ang lahat ng bagay ay Aming isinulit sa maliwanag na Aklat (bilang katibayan)
13At iyong ihantad sa kanila sa isang paghahambing (ang kasaysayan) ng mga naninirahan sa bayan (ng Antioch o Antakiya), nang may dumatal sa kanila na mga Tagapagbalita
14Nang Aming suguin sa kanila ang dalawang Tagapagbalita, sila ay kapwa nila itinakwil; datapuwa’t Aming pinatibay sila sa pangatlo, na nagsasabi: “Katotohanang kami ay mga Tagapagbalita na isinugo sa inyo para sa isang layunin!”
15Sila (na mga tao sa bayan) ay nagsasabi: “Kayo ay katulad lamang namin na mga tao; at ang Pinakamapagbigay (Allah) ay hindi nagpadala ng anumang kapahayagan; ikaw ay gumagawa lamang ng mga kasinungalingan.”
16Ang mga Tagapagbalita ay nagsabi: “Ang aming Panginoon ang nakakabatid na kami ay mga Tagapagbalita na isinugo sa inyo sa isang layunin
17Ang aming tungkulin ay ipahayag sa inyo ang maliwanag na Mensahe.”
18Ang (mga tao) ay nagsabi: “Para sa amin, nakikita namin na kayo ay may dalang kamalasan, kaya’t kung kayo ay hindi titigil, katotohanang kayo ay babatuhin namin at isang kasakit-sakit na pagpaparusa ang malalasap ninyo sa amin.”
19Sila (na mga Tagapagbalita) ay nagsabi: “Ang inyong kamalasan (kasamaan) ay nasa inyong mga sarili! (Tinatawag ba ninyo na kamalasan [kasamaan] ito) kung kayo ay pinapaalalahanan? Hindi, kayo ay mga tao na Mushrifun (mga tampalasan, na sumusuway sa lahat ng hangganan ng paglabag, nagsisigawa ng malalaking kasalanan, atbp.)!”
20At mayroong isang taong dumating na tumatakbo mula sa malayong bahagi ng bayan na nagsasabi: “o aking pamayanan, sundin ninyo ang mgaTagapagbalita
21Inyong sundin sila na hindi nanghihingi ng anumang kapalit (at pabuya mula sa inyo), sila na tuwid na napapatnubayan.”
22At bakit ako ay hindi sasamba sa Kanya (kay Allah lamang), na Siyang lumikha sa akin, at kayong lahat sa Kanya ay magbabalik
23Ako ba ay magtuturing pa (sa pagsamba) maliban sa Kanya ng iba pang diyos; kung ang Pinakamapagbigay (Allah) ay magnais sa akin ng kapinsalaan, ang kanilang pamamagitan ay walang magiging silbi sa anumang kaparaanan, gayundin, ako ay hindi nila maililigtas
24Katotohanan! Kung magkagayon, ako ay masasadlak sa maliwanag na kamalian
25Katotohanan! Ako ay sumampalataya sa Panginoon ninyong (lahat). Magsipakinig kayo sa akin!”
26At dito ay ipinagbadya (sa kanya na pinatay ng mga hindi sumasampalataya): “Pumasok ka sa Halamanan (Paraiso).” Siya ay nagsabi: “Ah! Kung nalalaman lamang ito ng aking pamayanan
27Na ang aking Panginoon (Allah) ay nagkaloob sa akin ng kapatawaran at ako ay itinalaga Niya na mapabilang sa mga ginawaran ng karangalan!”
28At hindi na Kami nagsugo pa sa kanyang pamayanan, pagkaraan nila (tatlong Tagapagbalita) ng sinumang Tagapagbalita mula sa kalangitan, gayundin, ito ay hindi na kailangan sa Amin na (muling) gawin pa
29dito (ay sapat na) ang isang matinding pagsabog, at pagmasdan! Sila ay katulad (ng abo) na pumatag na (namatay at nawasak)
30Sayang, (sa aba) ng Sangkatauhan! Kailanman ay walang sinumang Tagapagbalita ang dumatal sa kanila na hindi nila tinuya
31Hindi baga nila namamasdan kung ilang sali’t saling lahi na, na una pa sa kanila ang Aming winasak? Katotohanang sila ay hindi babalik sa kanila
32At katiyakan, ang lahat,- ang bawat isa sa kanila ay itatanghal sa Amin (upang hukuman)
33At ang isang Tanda sa kanila ay ang kalupaan na patay (tigang); binigyan Namin ito ng buhay (ulan) at nagpasibol dito ng mga butil na kanilang kinakain
34At nagpatubo Kami rito ng halamanan ng palmera at mga ubas, at hinayaan Namin na dumaloy dito ang tubig mula sa mga saluysoy
35Upang kanilang makain ang kanilang mga bunga. Ang may gawa nito ay hindi ang kanilang mga kamay. Hindi baga sila kung gayon, magbibigay ng pasasalamat
36Luwalhatiin si Allah na lumikha sa lahat ng bagay na magkapares, na tumutubo sa kalupaan, gayundin ng kanilang mga sarili (lalaki at babae), at ng iba pang bagay na wala silang kaalaman
37At ang isang Tanda sa kanila ay ang gabi. Hinatak Namin dito ang liwanag (araw), at pagmasdan, sila ay nasa kadiliman
38At ang araw ay umiinog sa kanyang takdang landas sa natataningang panahon. Ito ang pag-uutos ng Kataas-taasan sa Kapangyarihan, ang Pinakamaalam
39At ng buwan; Aming sinukat sa kanya (upang kanyang tahakin) ang mga himpilan (palasyo) hanggang sa siya ay magbalik na katulad ng lanta at tuyot na sungot ng palmera
40Hindi pinahihintulutan na maabot (malampasan) ng araw ang buwan, gayundin ang gabi na mahigtan ang maghapon. Sila ay kapwa lumalangoy (nakalutang) sa kanilang orbito (landas)
41At ang isang Ayah (Tanda) sa kanila ay yaong Aming ipinanganak ang kanilang supling sa nakakargahang barko (Arko ni Noe)
42At nilikha Namin para sa kanila ang nakakatulad (na barko) na kanilang sinasakyan
43At kung Aming naisin, sila ay maaari Naming lunurin; at walang sinumang kawaksi roon (na makakarinig sa kanilang sigaw), gayundin, sila ay hindi maililigtas
44Maliban sa pamamagitan ng Habag mula sa Amin, at bilang pagbibigay ng pansamantalang kasiyahan sa kanila
45At nang ito ay ipagbadya sa kanila: “Mag-ingat kayo sa nasa harapan ninyo (pangmundong mga parusa) at nasa likuran ninyo (kaparusahan sa Kabilang Buhay), upang kayo ay magsitanggap ng Habag (alalaong baga, kung kayo ay mananalig sa Pananampalataya ni Allah, sa Islam at sa Kanyang Kaisahan, at iiwas sa pagsamba sa mga diyus-diyosan at susunod kay Allah sa mabubuting gawa)
46At hindi kailanman dumating sa kanila ang isang Ayah (Tanda) mula sa karamihan ng Ayat (mga tanda, katibayan, kapahayagan, aral, atbp.) mula sa kanilang Panginoon, ang hindi nila itinakwil
47At kung sa kanila ay ipinagbabadya: “Gugulin ninyo (ang biyaya) na ipinagkaloob sa inyo ni Allah”; ang mga hindi sumasampalataya ay nagsasabi sa mga sumasampalataya: “Amin bagang pakakainin siya, na kung nanaisin lamang ni Allah, siya ay Kanyang mapapakain? Ikaw ay nasa maliwanag na kamalian lamang.”
48At sila ay nagsasabi: “Kailan kaya matutupad ang pangakong ito (ang Pagkabuhay na Mag-uli) kung ikaw ay nagsasabi ng katotohanan?”
49Hindi sila marapat maghintay sa isang matinding pagsabog lamang; ito ay sasaklot sa kanila habang sila ay nagsisipagtalo sa kanilang mga sarili
50At sila ay hindi magkakaroon ng panahon na makapagpamana, gayundin, sila ay hindi na makakabalik pa sa kanilang pamilya
51At ang Tambuli ay hihipan (sa pangalawang pagkakataon), at pagmasdan! Mula sa mga libingan ay magsisilabas (ang mga tao) patungo sa kanilang Panginoon
52Sila ay magsasabi: “Ah! Kasawian sa amin! Sino ang nagpabangon sa amin mula sa aming lugar ng pagkakatulog?” (Isang tinig ang maririnig): “Ito ang ipinangako ng Pinakamapagbigay (Allah), at ang mga Tagapagbalita ay nagsaysay ng Katotohanan!”
53dito ay sapat na ang isang matinding pagsabog, kaya’t pagmasdan! Silang lahat ay itatanghal sa harapan Namin
54Sa Araw na ito (Araw ng Muling Pagkabuhay), walang sinuman ang gagawaran sa anuman ng hindi katampatan, at kayo ay hindi babayaran maliban lamang ng ayon sa antas nang inyong mga gawa
55Katotohanan, ang mga naninirahan sa Halamanan (Paraiso), sa Araw na yaon ay magkakaroon ng kasiyahan sa lahat nilang ginagawa
56Sila at ang kanilang kadaupang palad ay mapapasatabi ng kaaya- ayang lilim, na nakahilig sa matataas na diban
57Sasakanila ang lahat ng (uri ng) bungangkahoy, at lahat ng kanilang hilingin
58(At sa kanila ay ipagtuturing): “Salamun (Ang Kapayapaan ay sumainyo)!” Isang Salita (ng pagbati) mula sa Panginoon (Allah), ang Pinakamaawain
59(At dito ay ipagsasaysay): “At, O kayong Al-Mujrimun (mga tampalasan, kriminal, mapagsamba sa mga diyus- diyosan, walang pananalig kay Allah, buktot, atbp.)! Magsilayo kayo sa Araw na ito (sa mga sumasampalataya)
60Hindi baga ipinagtagubilin Ko sa inyo, O angkan ni Adan na huwag ninyong sambahin si Satanas? Katotohanang siya sa inyo ay isang lantad na kaaway
61At kayo ay marapat na sumamba sa Akin (lamang, sa Aking Kaisahan, at huwag sumamba at mag-akibat sa Akin ng mga diyus-diyosan). Ito ang Tuwid na Landas
62At katotohanang iniligaw niya (Satanas) ang malaking karamihan sa inyo, hindi baga kayo nakakaunawa
63Ito ang Impiyerno na sa inyo ay ipinangako
64Yakapin ninyo ang Apoy sa Araw na ito sapagkat kayo (ay patuloy) na nagtatwa (sa katotohanan)
65Sa Araw na ito, Aming ilalapat ang kanilang bibig, at ang kanilang kamay ay mangungusap sa Amin, at ang kanilang binti ay magbibigay saksi sa kanilang pinagdaanang gawa
66At kung Amin lamang ninais, tunay nga na magagawa Namin na bulagin ang kanilang mga mata, upang sila ay magsumikap na tumahak sa Landas, subalit paano sila kung gayon makakakita
67At kung Amin lamang ninais, magagawa Namin na palitan sila (bilang mga hayop o walang buhay na nilikha) sa kanilang kinalalagyan. Sa gayon, sila ay hindi makakapangyari na lumakad nang pasulong (lumibot), o di kaya ay makatalikod
68At siya na ginawaran Namin ng mahabang buhay, Aming pinanumbalik muli ang kanyang pagkalikha (mula sa pagiging mahina hanggang sa maging malakas sa paglaki, at muli sa pagiging mahina sa kanyang pagtanda). Hindi baga sila nakakaunawa
69At hindi Namin tinuruan siya (Muhammad) ng tulain (pagtula), gayundin ito ay hindi nalalayon sa kanya; ito ay hindi hihigit pa maliban sa isang Paala-ala at isang Qur’an na nagbibigay ng kaliwanagan sa mga bagay
70Upang ito (ang Qur’an) o siya (Muhammad) ay magbigay ng paala-ala sa sinuman na nabubuhay (may malusog na pag-iisip, isang may pananalig), upang ang salita ay mapatibayan laban sa mga hindi sumasampalataya (patay, sapagkat sila ay nagtatakwil sa mga babala)
71Hindi baga nila napagmamasdan kung paano Namin nilikha sa kanila; kung ano ang nilikha ng Aming mga Kamay, ang mga hayupan (bakahan), upang sila ang maging tagapag-ari nito
72At Aming ipinailalim sila (hayupan, bakahan) sa kanila (sa paggamit). Ang iba ay kanilang sinasakyan at ang iba ay kanilang kinakain
73At sila ay mayroon (pang ibang) kapakinabangan sa kanila (maliban pa rito), sila ay nakakakuha (ng gatas) bilang inumin. Hindi baga sila magkakaroon ng utang na loob ng pasasalamat
74Datapuwa’t sila ay nagturing (sa pagsamba) ng iba pang diyos bukod pa kay Allah, (na umaasa) na sila ay matutulungan (ng kanilang itinuturing na mga diyos)
75Sila (mga diyus-diyosan) ay walang kapangyarihan na tulungan sila, datapuwa’t sila (mga diyus-diyosan) ay itatambad bilang isang pangkat laban sa mga sumamba sa kanila (sa Sandali ng Pagsusulit)
76Kaya’t huwag hayaan ang kanilang pananalita ay makapagpalumbay sa iyo (o Muhammad). Katotohanang batid Namin kung ano ang kanilang ikinukubli at kung ano ang kanilang inilalantad
77Hindi baga namamalas ng tao na Aming nilikha siya mula sa Nutfah (magkahalong semilya ng lalaki at babae)? Datapuwa’t pagmasdan! Siya (ay nakatindig) bilang isang lantad na kaaway
78At nagturing siya sa Amin ng isang talinghaga, at nakalimot sa kanyang sariling pagkalikha. Siya ay nagsasabi: “Sino ang magbibigay buhay sa mga butong ito na nangabulok na at naging abo?”
79Ipagbadya (o Muhammad): “Siya ang magbibigay buhay sa kanila na Siyang lumikha sa kanila noong una! At siya ang Lubos na Nakakaalam ng lahat ng Kanyang mga nilikha
80Siya rin ang naggawad sa inyo ng apoy mula sa luntiang puno (alalaong baga, ang tuyong kahoy ay ginagamit na panggatong), at pagmasdan! Kayo ay nakapagpaparingas ng apoy dito
81Hindi baga Siya na lumikha ng kalangitan at kalupaan ay makakagawa rin na makalikha ng katulad nila? Tunay nga, walang pagsala! Sapagkat Siya ang Ganap na Maalam, ang Sukdol na Manlilikha (na batbat ng kaalaman at karunungang walang maliw)
82Katotohanang kung Siya ay magnais (na gumawa) ng isang bagay, ang Kanyang pag- uutos lamang ay: “Mangyari nga!” At ito ay magaganap
83Kayat luwalhatiin Siya. Higit Siyang Mataas sa lahat ng mga itinatambal sa Kanya, at nasa Kanyang mga Kamay ang paghahari at kapamahalaan ng lahat ng bagay, at kayong lahat sa Kanya ay magbabalik
pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo
WEBREATH · 11:11
«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7
Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.
WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath