20. Taa-Haa
1Ta, Ha (mga titik Ta, Ha)
2Hindi Namin ipinanaog ang Qur’an sa iyo (O Muhammad) upang ikaw ay bigyan ng siphayo
3Maliban lamang na ito ay isang Paala-ala sa mga may pangangamba (kay Allah)
4Isang kapahayagan mula sa Kanya (Allah) na lumikha ng kalupaan at kalangitan sa kaitaasan
5Ang Pinakamapagbigay (Allah) ay matatag na naka-Istawa (nasa itaas) ng Kanyang (makapangyarihang) Luklukan (sa paraang naaangkop sa Kanyang Kamahalan)
6Sa Kanya ang pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at kalupaan at lahat ng nasa pagitan nito at nasa kailaliman ng lupa
7At kung ikaw (o Muhammad) ay mangusap nang malakas (sa paninikluhod), kung gayon, katotohanang Siya ang nakakaalam ng mga lihim at kung anuman ang nalilingid
8Allah! La ilaha illa Huwa! (Si Allah! Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya)! Sa Kanya ang pag-aangkin ng lahat ng Magagandang Pangalan
9Ang kasaysayan ba ni Moises ay nakarating na sa iyo
10Pagmasdan! Siya ay nakamalas ng apoy, kaya’t sinabi niya sa kanyang pamilya: “Maghintay kayo rito! Katotohanang ako ay nakakita ng apoy. Marahil ay makakapagdala ako sa inyo mula roon ng isang nag-aapoy na bagay o dili kaya, (ako) ay makakatagpo ng ilang patnubay mula sa apoy.”
11Datapuwa’t nang makalapit na siya sa apoy, siya ay tinawag sa pangalan: “o Moises!”
12Katotohanang Ako ang iyong Panginoon! Kaya’t hubarin mo ang iyong sapatos; ikaw ay nasa sagradong lambak ng Tuwa
13At ikaw ay Aking hinirang, kaya’t makinig ka sa bagay na sa iyo ay ipapahayag
14Katotohanan! Ako si Allah! La ilaha illa Ana (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Akin). Kaya’t paglingkuran mo (lamang) Ako at magsagawa ka ng palagiang panalangin (Iqamat-as-Salah) bilang pag-aala-ala sa Akin
15Katotohanang ang Takdang Sandali ay paparating na, at ito ay Aking sinadya na nalilingid upang ang bawat tao (kaluluwa) ay makatanggap ng kanyang gantimpala ayon sa sukat ng kanyang pinagsumikapan
16Kaya’t huwag hayaan ang isang tao na hindi nananampalataya (sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sa Pagsusulit, sa Paraiso at Impiyerno, atbp.) at sumusunod lamang sa kanyang mga pagnanasa ay makapagligaw sa iyo (sa Tuwid na Landas); maaaring ikaw ay maglaho
17“At ano yaong nasa iyong kanang kamay, o Moises!”
18Siya ay nagsabi: “Ito ang aking tungkod. dito ako humihilig at sa pamamagitan nito ay aking hinahampas ang sanga (ng halaman) bilang pagkain ng aking mga tupa, at ito rin ay marami pang gamit sa akin.”
19(Si Allah) ay nagwika: “Ihagis mo iyan, o Moises!”
20Inihagis niya ito, at pagmasdan! Ito ay naging ahas na gumagalaw nang mabilis
21(Si Allah) ay nagwika: “Sakmalin mo ito at huwag kang matakot. Ibabalik Naming muli ito sa kanyang dating anyo
22At idiin mo ang iyong (kanang) kamay sa (kaliwa) mong tagiliran; ito ay magiging puti (at magluluningning), na walang anumang karamdaman; bilang naiibang Tanda
23Upang maipamalas Namin sa iyo ang (ilan) sa Aming higit na mga dakilang Tanda.”
24“Pumaroon ka kay Paraon! Katotohanang siya ay nagmalabis sa pagsuway (sa kawalan ng pananalig, pag-aasal ng kapalaluan at pagiging mapang- api).”
25(Si Moises) ay nagsabi: “o aking Panginoon! Buksan Ninyo ang aking dibdib (Inyong bigyan ako ng tiwala sa aking sarili at katatagan)
26Padaliin Ninyo ang aking tungkulin sa akin
27At Inyong alisin ang aking kahinaan sa pagsasalita (alalaong baga, ang mapawi ang kanyang kaba at kamalian sa kanyang pangungusap)
28Upang kanilang maunawaan ang aking sasabihin
29At Inyong gawaran ako ng isang kawaksi mula sa aking pamilya
30Si Aaron, ang aking kapatid na lalaki
31dagdagan Ninyo ang aking tatag at lakas sa pamamagitan niya
32At hayaan na siya ay makihati sa aking tungkulin
33Upang aming maipagbunyi ang pagpupuri sa Inyo nang walang maliw
34At higit namin Kayong alalahanin (nang walang pagsasawa)
35Sapagkat katotohanang Kayo sa amin ay Laging Nagmamasid!”
36(Si Allah) ay nagwika: “o Moises, ang iyong panalangin ay Aking dininig!”
37At katotohanang Kami ay naggawad (noon) ng ibang biyaya sa iyo
38Pagmasdan! Kami ay nagsugo sa iyong ina sa pamamagitan ng isang inspirasyon ng Aming kapahayagan
39Na nagsasabi: “Ilagay mo siya (ang sanggol) sa isang Tabut (kuna o kahon o tampipi), at iyong ipaanod ito sa ilog (ng Nile). Ang ilog ay magsasadsad sa kanya sa pampang at siya ay kukunin ng isang tao na Aking kaaway at kaaway din niya, datapuwa’t binahaginan kita ng pagmamahal mula sa Akin, upang ikaw ay lumaki (sa pagkakandili) ng Aking Paningin
40Nang ang iyong kapatid na babae ay dumating at nagsabi: “Ipapakita ko ba sa iyo ang tao na mag-aalaga sa kanya?” Kaya’t ikaw ay ibinalik Namin sa iyong ina, upang ang kanyang paningin ay maging malamig at huwag mamighati. At ikaw ay nakapatay ng isang tao, datapuwa’t iniligtas ka Namin sa kaguluhan at ikaw ay Aming sinubukan sa maraming paraan. At ikaw ay namalagi sa maraming taon sa pamayanan ng Madyan. At ngayon, ikaw ay naparito ayon sa natataningan na panahon na Aming itinakda (sa iyo), o Moises
41At ikaw ay Aking pinili at inihanda (tinuruan ng mga bagay-bagay) sa paglilingkod sa Akin
42Pumaroon ka at ang iyong kapatid na dala ang Aking Ayat (mga tanda, kapahayagan, katibayan, aral, atbp.) at huwag kayong magbawa (sa sigasig) at panghinaan sa pag-aala-ala sa Akin
43“Magsiparoon kayo kay Paraon, sapagkat katotohanang siya ay nagmalabis sa lahat ng hangganan ng pagsuway (sa kawalan ng pananalig, kapalaluan at pang-aapi).”
44Datapuwa’t mangusap ka sa kanya nang mahinahon, maaaring siya ay tumanggap ng paala-ala o mangamba (kay Allah)
45Sila (Moises at Aaron) ay nagsabi: “o aming Panginoon! Katotohanang kami ay nangangamba na madaliin niya ang pagpaparusa sa amin, o di kaya ay magmalabis siya sa pagsuway (laban sa amin)
46Siya (Allah) ay nagwika: “Huwag kayong matakot! Katotohanang Ako ay nasa sa inyo, na Nakakarinig at Nakakamasid.”
47Kaya’t kapwa kayo magsiparoon sa kanya at magpahayag: “Katotohanang kami ay mga Tagapagbalita mula sa iyong Panginoon, kaya’t hayaan ang lahat ng Angkan ng Israel ay sumama sa amin at huwag mo silang pahirapan. Katotohanang kami ay dumatal na may dalang Tanda mula sa iyong Panginoon! At ang Kapayapaan ay mapapasakanya, siya na susunod sa patnubay!”
48“Katotohanang sa amin ay ipinahayag na ang kaparusahan ay naghihintay sa mga nagtatakwil (sa Kaisahan ni Allah, sa Kanyang mga Tagapagbalita, atbp.) at nagsisitalikod (sa katotohanan at pagsunod kay Allah).”
49Si Paraon ay nagsabi: “Sino baga, o Moises ang Panginoon ninyong dalawa?”
50(Si Moises) ay nagsabi: “Ang aming Panginoon ay Siya, na nagbigay sa bawat bagay ng kanyang hugis at kalikasan at sa kanila ay namatnubay.”
51(Si Paraon) ay nagturing: “At ano naman ang tungkol (sa kalagayan) ng mga sali’t saling lahi (ninuno) noong pang una?”
52(Si Moises) ay nagsabi: “Ang kaalaman diyan ay nasa aking Panginoon, sa isang Talaan. Ang aking Panginoon ay hindi kailanman nagkakamali at nakakalimot
53Siya na lumikha sa inyo ng kalupaan na tulad ng isang higaan (karpeta) na nakalatag; upang kayo ay matagumpay na makapaglakbay sa kanyang mga daan; at nagpamalisbis ng tubig (ulan) mula sa alapaap.” At dito ay nagpatubo Kami ng iba’t ibang uri ng halaman at pananim (sa pares)
54Magsikain kayo (para sa inyong sarili) at inyong pastulan ang inyong hayupan (bakahan) dito; katotohanang naririto ang mga Tanda sa mga tao na may pang-unawa
55Mula (sa lupa) ay Aming nilikha kayo, at dito kayo ay Aming ibabalik, at dito kayo ay muli rin Naming bubuhayin
56At katotohanang ipinamalas Namin sa kanya (Paraon) ang Aming mga Tanda at Katibayan, datapuwa’t siya ay nagtatwa at hindi kumilala
57(Si Paraon) ay nagsabi: “Pumarito ka ba upang kami ay itaboy sa kalupaan sa pamamagitan ng iyong salamangka, o Moises?”
58At katotohanang kami ay makapagsasagawa rin ng salamangka na katulad nito; kaya’t magtakda ka ng pakikipagtipan sa gitna natin, na sinuman sa atin ay hindi makakalimot, sa isang lantad at malawak na pook na ang bawat isa ay may magkatulad na pagkakataon (na matutunghayan ng mga manonood)
59(Si Moises) ay nagsabi: “Ang iyong takdang araw ay ang Araw ng Pagdiriwang, at hayaan ang mga tao ay magsitambad kung mataas na ang araw (tanghali na)
60Kaya’t si Paraon ay lumayo at nanahimik; siya ay nagtuon ng panahon sa kanyang balak at muling bumalik
61Si Moises ay nagsabi sa kanila: “Ang kasawian ay sa inyo! Huwag kayong gumawa ng kasinungalingan kay Allah, baka kayo ay Kanyang ganap na pinsalain sa kaparusahan. At katotohanang siya na nagsasagawa ng kasinungalingan (laban kay Allah), ay kaaba-aba na mabibigo.”
62At sila ay nagsipagtalo-talo sa bawat isa kung ano ang kanilang gagawin, at inilihim nila ang kanilang pag-uusap
63Sila ay nagsabi: “Ang dalawang ito ay walang alinlangan na mga bihasang salamangkero. Ang kanilang hangarin ay upang itaboy kayo sa inyong lupain sa pamamagitan ng kanilang salamangka at kanilang gahisin ang inyong pinuno at mga mahal na tao
64Kaya’t pagbutihin ang inyong balak, at magtipon-tipon kayo sa iba’t ibang hanay. At sinumang magwagi sa araw na ito ay katotohanang matagumpay!”
65Sila ay nagsabi: “o Moises! Maaaring ikaw ang maunang maghagis o kami ang mauunang maghagis?”
66(Si Moises) ay nagsabi: “Hindi, mauna kayong maghagis!” At pagmasdan! Ang kanilang mga lubid at tungkod, sa pamamagitan ng kanilang salamangka, ay nahantad sa kanila na wari bang gumagalaw nang mabilis
67Kaya’t si Moises ay nagkaroon ng takot sa kanyang sarili
68Kami (Allah) ay nagwika: “Huwag kang matakot! Katotohanang ikaw ang mangunguna
69At iyong ihagis ang nasa kanan mong kamay! Lulunukin nitong lahat ang kanilang ginawa. Ang kanilang ginawa ay panlilinlang lamang ng isang salamangkero, at ang isang salamangkero ay hindi kailanman magtatagumpay, kahit na gaano pang kaalaman ang kanilang naabot.”
70Kaya’t ang mga salamangkero ay nangayupapa na nangagpatirapa. Sila ay nagsabi: “Kami ay sumasampalataya sa Panginoon ni Aaron at Moises.”
71(Si Paraon) ay nagsabi: “Naniniwala ba kayo sa kanya (Moises), bago ko pa kayo bigyan ng pahintulot? Katotohanan! Siya (Moises) ang inyong pinuno na nagturo sa inyo ng salamangka. Kaya’t walang pagsala na aking puputulin ang inyong mga kamay at paa sa magkabilang panig at katotohanang aking ibabayubay kayo sa puno ng mga palmera (datiles), at katiyakang inyong mapag- aalaman kung sino sa amin (ako, si Paraon o ang Panginoon ni Moises [Allah]), ang makakapaggawad ng matindi at higit na nagtatagal na kaparusahan.”
72Sila ay nagsabi: “Hindi ka namin bibigyan ng higit na pansin kaysa sa Maliliwanag na Tanda na dumatal sa amin. Kaya’t iyong itakda kung anuman ang nais mong ipatupad sa amin, sapagkat ikaw ay makakapagtakda lamang (sa mga bagay) ng buhay sa mundong ito
73Katotohanang kami ay sumampalataya sa aming Panginoon, upang kami ay Kanyang mapatawad sa aming mga pagkukulang, at sa salamangka na iyong ipinag-utos sa amin. At si Allah ay higit na may mabuting gantimpala kung ihahambing sa iyong (Paraon) gantimpala, at higit na nagtatagal (kung tungkol sa kaparusahan kung ihahambing laban sa iyong pagpaparusa).”
74Katotohanan! Sinuman ang lumapit sa kanyang Panginoon na isang Mujrimun (tampalasan, kriminal, mapagsamba sa mga diyus-diyosan, walang pananalig sa Kaisahan ni Allah, makasalanan, buktot, atbp.), walang pagsala, sasakanya ang Impiyerno at dito siya ay hindi mamamatay o mabubuhay
75Datapuwa’t sinumang lumapit sa Kanya (Allah) na isang nananampalataya, at nagsigawa ng mga kabutihan, sasakanila ang matataas na Antas (ng Kabilang Buhay)
76Walang Hanggang Halamanan (Paraiso) na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy; mananahan sila rito magpakailanman. Ito ang gantimpala sa mga nagpapadalisay sa kanilang sarili (sa pamamagitan nang pag-iwas sa lahat ng mga kasalanan at mga kasamaan na ipinagbabawal ni Allah at sa paggawa ng lahat Niyang ipinag-uutos)
77At katotohanang Kami ay nagbigay ng inspirasyon kay Moises: “Maglakbay ka sa gabi na kasama ang Ibadi (Aking mga lingkod), at iyong hampasin ang tuyong landas hanggang sa dagat, na walang pagkatakot na kayo ay mapanaigan (ni Paraon) at walang iba pang pangangamba (na kayo ay malunod sa dagat).”
78At sila ay tinugis ni Paraon na kasama ang kanyang mga kabig, datapuwa’t ang tubig ay ganap na tumabon at lumukob sa kanila
79Si Paraon ang nagtulak sa kanyang mga tao na maligaw kaysa ang mapatnubayan sila sa tuwid na landas
80o Angkan ng Israel! Aming iniligtas kayo sa inyong kaaway at Kami ay gumawa ng Kasunduan sa inyo sa kanang bahagi ng bundok ng Sinai; at ipinanaog Namin sa inyo ang Manna at mga pugo
81(Na nagsasabi): “Magsikain kayo ng Tayyibat (mabubuti at mga pinahihintulutang bagay) na Aming iginawad sa inyo bilang inyong ikabubuhay, datapuwa’t huwag kayong magmalabis dito, (marahil) ay mangyayaring ang Aking poot ay bumaba sa inyo. At sa sinuman na mababaan ng Aking poot ay katotohanang maglalaho!”
82Datapuwa’t katotohanan na walang alinlangan,Ako ay Lagi nang Nagpapatawad ng Paulit-ulit sa kanya na nagtitika, na sumasampalataya (sa Aking Kaisahan at hindi nag-aakibat ng mga katambal sa pagsamba sa Akin) at gumagawa ng mga kabutihan at namamalagi sa paggawa nito (hanggang sa kanyang kamatayan)
83(Nang si Moises ay nasa bundok na, si Allah ay nagwika): “Ano ang nagtulak sa iyo upang magmadali ka na mauna sa iyong pamayanan, o Moises?”
84Siya ay nagsabi: “Pagmasdan, sila ay malapit na sa aking mga yapak, at ako ay nagmadali (sa pagtungo) sa Inyo, o aking Panginoon, upang Kayo ay mabigyan ng kasiyahan.”
85(Si Allah) ay nagwika: “Katotohanang Aming sinubukan ang iyong pamayanan nang ikaw ay wala sa kanila, at si As-Samiri ang nagtulak sa kanilang pagkaligaw.”
86At si Moises ay bumalik sa kaniyang mga tao na tigib ng galit at pighati. Siya ay nagsabi: “o aking pamayanan! Hindi baga ang inyong Panginoon ay nangako sa inyo ng isang makatuwirang pangako? Ang pangako baga ay inakala ninyo na malayo pa (sa pagdatal)? o inyo bang ninanais na ang Poot ng inyong Panginoon ay manaog sa inyo, kaya’t inyong sinira ang inyong pangako sa akin (ang hindi pananampalataya kay Alah at pagsamba sa baka)?”
87Sila ay nagsabi: “Hindi namin sinira ang pangako namin sa iyo ng ayon sa aming kagustuhan, datapuwa’t kami ay pinag-utusan na magdala ng bigat ng mga hiyas ng tao (ni Paraon), kaya’t aming inihagis ito (sa apoy), ayon sa mungkahi ni As-Samiri.”
88At kanyang nilikha mula sa hiyas (na natunaw ng apoy) ang isang bulo (batang baka) at itinambad sa kanyang pamayanan na wari bang umuunga. Siya (As-Samiri) ay nagsabi: “Ito ang inyong diyos, at ang diyos ni Moises, datapuwa’t siya (Moises) ay nakalimot (sa kanyang diyos)!”
89Hindi baga nila napagmamalas na ito ay hindi makapagsasabi sa kanila ng isang salita (bilang tugon), at ito ay walang kapangyarihan na bigyan sila ng kapinsalaan o kabutihan
90At katotohanang si Aaron ay nagsabi noon pa sa kanila: “O aking pamayanan! Kayo ay sinusubukan dito, at katotohanan, ang inyong Panginoon (ay si Allah), ang Pinakamapagbigay, kaya’t sundin ninyo ako at tuparin ang aking pag-uutos.”
91Sila ay nagsabi: “Kami ay hindi titigil nang pagsamba rito (ang baka) hanggang si Moises ay hindi bumabalik sa amin.”
92(Si Moises) ay nagsabi: “o Aaron! Ano ang pumigil sa iyo nang iyong mamalas na sila ay napapaligaw
93Na ako ay hindi mo sinunod (sa aking mga payo sa iyo)? Iyo bang sinuway ang aking pag-uutos?”
94Siya (Aaron) ay nagsabi: “O anak (na lalaki) ng aking ina! Huwag mo akong sakmalin sa aking balbas, gayundin (sa buhok) ng aking ulo! Katotohanang ako ay nangangamba na marahil ay iyong sabihin: “Ikaw ang nagturo ng pagkakahidwa-hidwa sa Angkan ng Israel, at ikaw ay hindi naghintay sa aking salita!”
95(Si Moises) ay nagsabi: “At ano ang nangyayari sa iyo, o Samiri? (bakit mo ito ginawa)
96(Si Samiri) ay nagsabi: “Nakita ko ang hindi nila nakikita, kaya’t kumuha ako ng isang dakot (ng alikabok) mula sa bakas ng Tagapagbalita (sa kabayo ni Gabriel) at inihagis ko ito (sa apoy na pinagtunawan ng mga hiyas, o sa nililok na baka). Ito ang ibinubulong sa akin ng aking kaluluwa.”
97Si Moises ay nagsabi: “Kung gayon, ikaw ay humayo!At katotohanan, ang iyong (kaparusahan) sa buhay na ito, ay ikaw ay magsasabi: “Ako ay huwag ninyong salingin (alalaong baga, ikaw ay mamumuhay na mag-isa at malayo sa sangkatauhan); at katotohanang higit pa rito (ang darating na kaparusahan), ikaw ay mayroong pangako na hindi mabibigo. Ngayon, iyong malasin ang iyong diyos, na sa kanya ikaw ay naging matimtimang tagasamba; katiyakan na Aming sisilaban ito sa naglalagablab na apoy at ikakalat ang mga bahagi nito sa dagat.”
98Ang Ilah (diyos) ninyong lahat ay si Allah, ang Tanging Isa; La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya). Siya ang may ganap na kaalaman sa lahat ng bagay
99Kaya’t Aming inilahad sa iyo (O Muhammad) ang ilang kasaysayan na nangyari noon. At katotohanang ikaw ay pinagkalooban Namin ng isang Paala-ala (ang Qur’an) mula sa Amin
100At sinumang tumalikod dito (sa Qur’an, alalaong baga, ang hindi maniwala rito at gumawa ayon sa pag-uutos nito), katotohanang sila ay magbabata ng bigat (ng mga kasalanan) sa Araw ng Muling Pagkabuhay
101Mananahan sila roon sa ganoong (kalagayan, sa Apoy ng Impiyerno), at katotohanang kasamaan ang kanilang magiging dalahin sa Araw ng Muling Pagkabuhay
102Sa Araw na ang Tambuli ay patutunugin (sa pangalawang pag- ihip); sa Araw na yaon ay Aming titipunin ang Mujrimun (mga tampalasan, kriminal, mapagsamba sa mga diyus- diyosan, makasalanan, walang pananalig sa Kaisahan ni Allah, atbp.) na mga Zurqa (na nanlalabo ang mga mata o tila bughaw at nangingitim ang mukha sa sindak)
103Sa mga bulong ay magsasalita sila sa isa’t isa (na nagsasabi): “Kayo ay namalagi lamang nang hindi hihigit sa sampung (araw).”
104Higit Naming batid kung ano ang kanilang sasabihin, kung ang pinakamagaling sa kanila sa pangangatwiran ay magsasabi: “Kayo ay namalagi lamang nang hindi hihigit sa isang araw!”
105At sila ay nagtatanong sa iyo tungkol sa kabundukan; iyong ipagbadya: “Ang aking Panginoon ay magpapasabog sa kanila at Kanyang ikakalat ang mga ito bilang mga bahagi ng alikabok.”
106At pagkatapos ay iiwanan Niya (ang kalupaan) na patag at makinis
107walang anumang baluktot o kurba ang makikita ninyo rito
108Sa Araw na yaon, sila ay matiim na susunod (sa tinig) ng tagatawag ni Allah; at walang anumang pagkabaluktot (sa kanyang tinig). At ang lahat ng mga tinig ay mangangayupapa sa Pinakamapagbigay (Allah) at wala kayong maririnig maliban sa mahinang yabag ng kanilang mga paa
109Sa Araw na yaon ay walang pamamagitan ang mananaig, maliban sa kanya na binigyan ng kapahintulutan ng Pinakamapagbigay (Allah), na ang kanyang salita ay katanggap-tanggap sa Kanya
110Batid Niya (Allah) kung ano ang nangyayari sa (Kanyang mga nilikha) sa mundong ito, at kung ano ang mangyayari sa kanila (sa Kabilang Buhay), at sila ay hindi makapagkakamit ng anuman ng Kanyang karunungan
111At ang lahat ng mukha ay mangangayupapa sa harapan (ni Allah), ang Namamalaging Buhay, ang Tagapanustos at Tagapangalaga ng lahat. At siya na nagdadala (ng pasanin) ng maling gawa (alalaong baga, siya na hindi sumasampalataya kay Allah, nag-aakibat ng mga katambal sa Kanya, at sumusuway sa Kanya), katotohanang walang pag-asa at bigo siya (sa Araw na yaon)
112Datapuwa’t siya na gumagawa ng kabutihan at may pananampalataya (sa Kaisahan ni Allah at sa Islam), ay walang anumang pangamba ng kapinsalaan at kawalang katarungan, gayundin naman, hindi mababawasan (ang kanyang gantimpala)
113Kaya’tAmingipinanaogang Qur’ansa(wikang)Arabik, at Aming ipinaliwanag dito nang puspusan ang mga babala at paala-ala upang sila ay magkaroon ng pangangamba kay Allah, o di kaya ay magbigay silbi ito bilang aral sa kanila (sa pag-aala-ala sa Kanya)
114Kataas-taasan si Allah sa lahat! Ang Tunay na Hari! Huwag kang magmadali (O Muhammad) sa Qur’an bago pa ang pahayag ay maganap na lahat, at ikaw ay magsabi: “Aking Panginoon! Inyong dagdagan ang aking kaalaman!”
115At katotohanang Kami ay gumawa noon ng kasunduan kay Adan, datapuwa’t siya ay nakalimot, at Aming nakita sa kanya ang kawalan ng katatagan
116At alalahanin nang Aming sabihin sa mga anghel: “Magpatirapa kayo kay Adan.” Nagpatirapa silang lahat maliban kay Iblis, siya ay tumanggi
117At Kami ay nagsabi: “O Adan! Katotohanang siya ay isang kaaway sa iyo at sa iyong asawa. Kaya’t huwag ninyong hayaan na kanyang maitaboy kayo mula sa Halamanan upang kayo ay magkaroon ng lumbay sa kapighatian
118Katotohanang kayo ay mayroong (pangako mula sa Amin) na kailanman ay hindi kayo magugutom dito (Paraiso) o magiging hubad
119At kayo ay hindi makakaranas dito ng pagkauhaw, gayundin ng init ng sikat ng araw.”
120Datapuwa’t si Satanas ay bumulong sa kanya na nagsasabi: “o Adan! Ihahantong ba kita sa Puno ng Walang Hanggang Buhay at sa kaharian na hindi masisira?”
121Sa kalaunan, sila ay kapwa kumain (ng bunga) ng puno; at sa gayon, ang kanilang maselang bahagi (ng katawan) ay nalantad sa kanila; at sila ay nagsimulang magtagni-tagni ng mga dahon sa Halamanan bilang kanilang pantakip. Sa ganito sinuway ni Adan ang kanyang Panginoon, kaya’t siya ay napaligaw sa kamalian
122Datapuwa’t ang kanyang Panginoon ay humirang sa kanya. Siya ay bumaling sa kanya sa pagpapatawad at pinagkalooban siya ng patnubay
123Siya (Allah) ay nagwika: “Magsibaba kayo kapwa (sa lupa) mula sa Halamanan nang magkasama, ang ilan sa inyo ay kaaway ng iba. At kung mayroong patnubay na manggagaling sa Akin, kung gayon, sinuman ang sumunod sa Aking patnubay ay hindi mapapaligaw, at gayundin naman, sila ay hindi mahuhulog sa kalumbayan at kapighatian
124Datapuwa’t sinumang sumuway sa Aking Paala-ala (alalaong baga, hindi naniniwala sa Qur’an at hindi sumusunod sa mga pag-uutos nito), katotohanang sasakanya ang buhay ng kahirapan at siya ay bubuhayin Naming muli na bulag sa Araw ng Muling Pagkabuhay
125Siya ay magsasabi: “o aking Panginoon! Bakit ako ay Inyong binuhay na bulag, noon ay mayroon akong paningin?”
126(Si Allah) ay magwiwika: “Noon, nang ang Aming Ayat (mga tanda, katibayan, kapahayagan, aral, atbp.) ay dumatal sa inyo, ito ay ipinagwalang bahala ninyo, kaya’t sa Araw na ito, kayo ay kalilimutan (sa Apoy ng Impiyerno na malayo sa Habag ni Allah).”
127At sa ganito Namin binabayaran siya na nagmamalabis sa lahat ng hangganan ng pagsuway (alalaong baga, walang panananampalataya kay Allah at nagtatakwil sa mga Tagapagbalita at sa mga Kasulatan katulad ng Qur’an) at hindi sumasampalataya sa Ayat (mga tanda, katibayan, kapahayagan, aral, atbp.) ng kanyang Panginoon; at ang kaparusahan ng Kabilang Buhay ay higit na kasakit-sakit at nagtatagal
128Hindi baga isang patnubay sa kanila (na mapag- alaman) kung ilan ng sali’t saling lahi ang Aming winasak nang una pa sa kanila, na sa kanilang (naging) tirahan sila ay lumalakad? Katotohanan! Naririto ang mga Tanda sa mga tao na may pang-unawa
129At kung hindi lamang sa Salita na sumakanila noon mula sa inyong Panginoon, at sa natataningang araw, (ang kanilang kaparusahan) ay kinakailangan nang tupdin (sa mundong ito)
130Kaya’t maging mapagbata ka (o Muhammad) sa kanilang sinasabi, at iyong luwalhatiin ang mga papuri sa iyong Panginoon bago ang pagsikat ng araw at bago ang paglubog ng araw, at gayundin sa ilang panahon ng gabi, at sa mga bahagi ng maghapon (ito ay patungkol sa limang ulit na takdang panalangin sa bawat araw), upang ikaw ay magkaroon ng kasiyahan sa gantimpala na ipagkakaloob sa iyo ni Allah
131At huwag mong pagurin ang iyong mga mata sa pagnanasa sa mga bagay na Aming ipinagkaloob bilang paglilibang sa maraming pangkat (sila na mga hindi sumasampalataya sa Kaisahan ni Allah at mapagsamba sa mga diyus-diyosan), at sa karilagan ng buhay na ito, (ito) ay upang Aming masubukan sila. Datapuwa’t ang biyayang nakalaan (gantimpala sa Kabilang Buhay) mula sa iyong Panginoon ay higit na mainam at nagtatagal
132At iyong itagubilin ang pagdarasal sa iyong pamilya (at pamayanan), at maging matimtiman (sa pag-aalay ng mga panalangin). walang anuman na laang panustos (alalaong baga, ang bigyan mo Kami ng kahit ano) ang Aming hinihingi mula sa iyo. Kami ang magkakaloob nito sa iyo. At ang mabuting hantungan (alalaong baga, ang Paraiso) ay para sa Muttaqun (matimtiman at matutuwid na tao na labis na nangangamba kay Allah at umiiwas sa lahat ng mga kasalanan at kasamaan na Kanyang ipinagbabawal at nagmamamahal kay Allah nang higit at nagsasagawa ng mga kabutihan na Kanyang ipinag-uutos)
133Sila ay nagsasabi: “Bakit hindi siya nagdala sa amin ng isang Tanda (Katibayan) mula sa kanyang Panginoon?” Hindi baga dumatal na sa kanilang lahat ang maliwanag na Katibayan (na nasusulat) sa mga naunang Aklat ng Kapahayagan (mga Kasulatan, alalaong baga, ang Torah [mga Batas], ang Ebanghelyo hinggil sa pagdatal ni Propeta Muhammad
134At kung sila ay winasak Namin sa kaparusahan bago pa rito (alalaong baga, kay Propeta Muhammad at sa Qur’an), katiyakan na kanilang sasabihin: “O aming Panginoon! Kung Kayo ay nagsugo lamang sa amin ng isang Tagapagbalita, walang pagsala na kami ay nagsisunod sa Inyong Ayat (mga tanda, kapahayagan, katibayan, aral, atbp.) bago pa kami abahin at ilagay sa kahihiyan.”
135Ipagbadya (o Muhammad): “Ang bawat isa (sa atin, mga sumasampalataya at hindi sumasampalataya) ay naghihintay, kaya’t magsipaghintay din kayo. Hindi magtatagal at inyong mapag-aalaman kung sino ang nasa matuwid at patag na landas (alalaong baga, ang nasa Islam – ang Pananampalataya ni Allah) at kung sino sila na tumanggap sa kanilang sarili ng patnubay (sa tamang landas).”
pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo
WEBREATH · 11:11
«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7
Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.
WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath