Islam
bumalik

69. Al-Haaqqa

1Ang Tiyak na kaganapan (alalaong baga, ang Araw ng Muling Pagkabuhay)

2Ano nga ba ang Tiyak na Kaganapan

3At ano nga ba ang makakapag-utos sa iyo upang magmuni-muni kung ano ang Tiyak na Kaganapan

4Ang Angkan ni Thamud at ni A’ad ay hindi sumampalataya sa Qariah (ang Araw ng Kaguluhan at Kaingayan sa Oras ng Paghuhukom)

5Datapuwa’t sina Thamud; sila ay winasak ng nag-aalimpuyong unos ng kulog at kidlat

6At sina A’ad; sila ay winasak ng nagngangalit na hagupit ng hangin na tunay na mapangwasak

7Hinayaan Niyang salantahin sila sa loob ng sunod-sunod na pitong mahahabang araw, upang mapagmalas ninyo ang mga tao roon na nakahandusay, na waring sila ba’y katawan ng mga nalugmok na punong 904 palmera

8Sa ngayon, nakikita mo ba ( o Muhammad ) ang mga latak nila

9Si Paraon, at ang mga nangauna sa kanya, at ang Pinalugmok na Bayan (ang mga bayan ng pamayanan ni Lut)? Sila ay nagsigawa ng kamalian

10Ang bawa’t isa sa kanila ay naghimagsik nang laban sa Tagapagbalita ng kanilang Panginoon, kaya’t Aming ginawaran sila ng mahigpit na sakmal (ng kaparusahan)

11Katotohanan! Nang tumaas ang tubig ng labis sa kanyang hangganan (malaking baha o dilubyo sa panahon ni Noe), ay Aming kinandili kayo (O sangkatauhan) sa Lumulutang na Arko (barko na ginawa ni Noe)

12Upang gawin Namin ito bilang Tagapagpaala-ala sa inyo, upang ang tainga na nakakarinig ay mapananganan ito bilang isang aral na magugunita

13At sa sandaling ang Tambuli ay hipan ng isang matinding pagsabog (sa unang ihip)

14At ang kalupaan at kabundukan ay matinag sa kanilang lugar, at mayanig at madurog sa minsan lamang

15At sa Araw na yaon, ang dakilang Pangyayari (Sindak) ay magaganap

16At ang kalangitan ay mahahati, sapagkat sa Araw na yaon, ito ay magiging marupok (at mahina), at mapupunit

17At ang mga anghel ay nasa magkabilang panig nito, at walong anghel ang pumapasan sa Araw na yaon, sa Luklukan ng inyong Panginoon sa ulunan nila

18Sa Araw na yaon, kayo ay ihaharap sa Pagsusulit at walang anumang lihim ang inyong maikukubli

19At tunay ngang siya na bibigyan ng kanyang Talaan sa kanyang kanang kamay ay magsasabi: “Tingnan ninyo at basahin ang aking Aklat

20Tunay ngang talastas ko na kakaharapin ko ang aking pag-uulat!”

21At sa gayon, siya ay makakaranas ng buhay ng kaligayahan

22Sa Mataas na Halamanan (Paraiso)

23Na ang kumpol ng mga bunga ay malapit at mababa (abot-kamay sa pagpitas)

24(At sa kanila ay ipagtuturing): “Magsikain kayo at uminom ng ganap at nasisiyahan bilang gantimpala sa (kabutihan) na inyong ginawa sa mga panahong nagdaan!”

25At siya na pagkakalooban ng kanyang Talaan sa kanyang kaliwang kamay ay magsasabi: “Sana’y hindi na ako pinagkalooban ng aking Aklat

26At nang hindi ko na mapagbalikan ang aking mga gawa (at ano ang aking ipagsusulit)

27Ah! Sana’y ito na ang aking naging wakas (kamatayan)

28Ang kayamanan ko ay nawalang saysay

29Ang kapangyarihan ko ay kagyat na pumanaw!”

30(At ang makapangyarihang utos ay ipagbabadya): Kunin siya at igapos (ng kadena)

31At sunugin siya sa Naglalagablab na Apoy

32At bukod pa rito, taliansiyangtanikalanaanghabanitoaypitumpongkubiko

33Katotohanang siya ay hindi sumampalataya kay Allah, ang Kataas-taasang Diyos

34At hindi nagmamalasakit na pakainin ang mga kapus-palad

35Kaya’t siya ay walang kaibigan dito sa Araw na ito

36At wala siyang anumang pagkain maliban sa mabahong nana mula sa pinaghugasan ng mga sugat

37At walang ibang magsisikain nito maliban sa Khati’un (mga makasalanan, walang pananampalataya, mapagsamba sa diyus-diyosan, atbp)

38Kaya’t tinatawagan Ko ang lahat (ng mga nilikha) na inyong nakikita upang sumaksi

39At ang lahat (ng nilikha) na hindi ninyo nakikita

40Na katotohanang ito ang salita ng kapuri-puring Tagapagbalita (alalaong baga, si Gabriel o Muhammad na kanyang dinala mula kay Allah)

41Ito ay hindi salita ng isang makata, kakarampot lamang ang inyong pinaniniwalaan

42At hindi rin ito salita ng isang manggagaway (o isang manghuhula), kakatiting lamang ang inyong nagugunita

43Ito ay isang Kapahayagan na ipinanaog (sa inyo) mula sa Panginoon ng lahat ng mga nilalang

44At kung siya (Muhammad) ay gumawa ng salita ng kabulaanan tungkol sa Amin (Allah)

45Katotohanang siya ay Aming sasakmalin sa kanyang kanang kamay (ng may kapangyarihan at lakas)

46At katotohanang Aming puputulin ang ugat ng kanyang puso

47At walang sinuman sa inyo ang makakapananggalang sa Amin upang (parusahan) siya

48Datapuwa’t katotohanan, ang Quran ay isang Paala-ala para sa Muttaqun (mga may pangangamba kay Allah, matimtiman at mapaggawa ng kabutihan, at umiiwas sa lahat ng kasalanan, atbp)

49At katotohanang talastas Namin na sa lipon ninyo ay may mga nagpapabulaan (sa Qur’an)

50At katotohanan, ang Kapahayagan (Qur’an) ay makakapagpaligalig sa mga hindi sumasampalataya (sa Araw ng Muling Pagkabuhay)

51At tunay ngang ito (ang Qur’an) ay isang lubos na Katotohanan na may katiyakan

52Kaya’t luwalhatiin ninyo ang Pangalan ng inyong Panginoon, ang Pinakadakila

pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo

WEBREATH · 11:11

«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7

Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.

WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath