Islam
bumalik

67. Al-Mulk

1Luwalhatiin Siya na nag-aangkin ng Paghahari sa kapamahalaan sa Kanyang mga Kamay at Siya ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay

2Siya na lumikha ng kamatayan at buhay upang masubukan Niya kung sino sa inyo ang pinakamabuti sa asal (at pag-uugali), at Siya ang Pinakamataas sa Kapangyarihan, ang Lubos na Mapagpatawad

3Siya na lumikha ng pitong kalangitan sa magkakasunod na antas. Ikaw ay walang mapagmamalas na kamalian (o pangangailangan ) sa mga Likha ng Diyos na Pinakamapagbigay. Kaya’t muli mong ibaling ang iyong paningin: “Ikaw ba ay nakakamalas ng punit o siwang (kaguluhan)?”

4Kaya’t muli mong malasin at muli sa ibang araw, ang iyong paningin ay magbabalik sa iyo na mapanglaw at nanghihina at naririmlan

5At katotohanangginayakan Naminangpinakamababang kalangitan ng mga pananglaw at ginawa Namin ang gayong mga ilaw (bilang) mga pamuksang sandata upang itaboy ang masasama (mga diyablo), Aming inihanda sa kanila ang Kaparusahan ng Naglalagablab na Apoy

6At sa mga nagtatakwil sa kanilang Panginoon at Tagapagtaguyod (Allah), sasakanila ang Kaparusahan ng Impiyerno at tunay na pagkasama-sama ng gayong patutunguhan

7At kung sila ay ihulog na rito, ay mapapakinggan nila ang (kalagim- lagim) na pagngangalit nito habang ito ay kumukulo at naglalagablab

8Na halos sumabog na sa pagkagalit. Sa tuwing may pangkat ng mga tao na inihahagis dito, ang kanyang Tagapagbantay ay nagtatanong: “Hindi baga dumatal sa inyo ang isang Tagapagbabala (at Tagapagpaala-ala)

9At sila ay magsasabi: “Katotohanan, ang Tagapagbabala ay dumatal sa amin datapuwa’t aming itinakwil siya at nagsabi: Si Allah ay hindi kailanman nagpahayag ng anuman sa amin at ikaw ay walang halaga at nahihibang (sa kamalian).”

10At sila ay muling magsasabi: “Kung nakinig lamang kami at gumamit ng aming pag-iisip, hindi sana kami magsisitahan sa Naglalagablab na Apoy!”

11Kaya’t aaminin nila ang kanilang mga kasalanan, datapuwa’t malayo sa kapatawaran (at habag) ang mga nagsisitahan sa Naglalagablab na Apoy

12Katotohanang sila na may pagkatakot sa kanilang Panginoon (sa kanilang puso, alalaong baga, hindi man nila nakikita Siya at ang Kanyang kaparusahan sa Kabilang Buhay, atbp.), sasakanila ang kapatawaran at malaking gantimpala (Paraiso)

13At kahit na ilihim mo pa ang iyong salita o ihayag man ito, katotohanang Siya ang may ganap na kaalaman sa nilalaman ng dibdib (ng mga tao)

14Hindi baga Niya talastas kung ano ang Kanyang nilikha? Siya ang nakakaalam ng anumang hibla ng kahiwagaan at may ganap na pang-unawa (sa lahat ng bagay)

15Siya (Allah) ang gumawa na ang kalupaan ay inyong maayos (alalaong baga, na maging madali sa inyo ang lumakad, makapamuhay, makapagtanim, atbp.), kaya’t inyong tahakin ang mga landas nito at inyong tamasahin ang mga biyaya na Kanyang ipinagkaloob, at sa Kanya ang Muling Pagkabuhay

16Hindi ka ba nakadarama ng kapanatagan na Siya na nasa Sangkalangitan ay hindi magpapahintulot na ikaw ay lagumin ng lupa kung ito ay mayanig sa paglindol

17o hindi ka ba nakadarama ng kapanatagan na Siya na nasa Sangkalangitan ay hindi magpaparating laban sa iyo ng nag-aalimpuyong bagyo? At inyong mapag-alaman kung gaano kasindak-sindak ang Aking babala

18Katotohanan, ang mga tao na nangauna sa kanila ay nagsipagtakwil (sa Aking babala, alalaong baga, sa mga Tagapagbalita ni Allah). Pagmasdan kung gaano kasakit-sakit ang Aking pagkapoot sa kanila

19Hindi baga nila napagmamasdan ang mga ibon sa kaitaasan na ibinubuka at itinitiklop ang kanilang pakpak? wala ng iba pang makakapagpanatili nito maliban kay Allah na Pinakamapagbigay. Katotohanang Siya ang Nakakamasid sa lahat ng bagay

20At sino baga kaya ang makakatulong sa inyo kahit na nga yaon ay isang sandatahang pangkat, maliban kay Allah na Mapagkaloob? Ang mga hindi sumasampalataya ay walang pinanghahawakan maliban sa pag-aakala na walang saysay

21At sino baga kaya ang makakapagbigay sa inyo ng inyong pangangailangan kung ninais Niya na ipagkait sa inyo ang Kanyang biyaya? Tunay ngang namihasa sila sa kawalan ng kabanalan at sila ay tumatalilis (sa Katotohanan)

22Siya baga na lumalakad sa kahabaan (ng landas) na ang kaniyang mukha (paningin) ay nangangapa ay mainam na napapatnubayan? o siya kaya na (nakakakita) at lumalakad nang panatag sa Tuwid na Landas (alalaong baga sa paniniwala sa Kaisahan ni Allah)

23Ipagbadya: “Siya ang lumikha sa inyo (at sumubaybay sa inyong paglaki) at naggawadsainyonginyongpandinigatpaninginatpandama at pang-unawa. Kakarampot lamang ang pasasalamat na inyong isinusukli!”

24Ipagbadya : “Siya ang nagparami sa inyong bilang (at angkan) dito sa sangkalupaan at sa Kanya ay titipunin kayo ng sama-sama (sa Kabilang Buhay)

25Sila ay nagsisipag-usisa: “Kailan baga kaya magaganap ang pangakong yaon (alalaong baga, ang Araw ng Pagkabuhay)?, kung ikaw ay nagsasaysay ng katotohanan.”

26Ipagbadya (o Muhammad): “Ang kapamahalaan (ng takdang oras nito) ay tanging na kay Allah lamang. Ako ay isinugo lamang bilang isang Tagapagpaala-ala sa inyo.”

27(At sa kalaunan), kung kanilang mahinuha na sasapit na (ang kaparusahan ng Araw ng Muling Pagkabuhay), ang mukha ng mga hindi sumasampalataya ay mangapupuspos ng lumbay (kalungkutan at pighati), at sa kanila ay ipagtuturing : “Ito ang pangako na inyong hinihiling noon!”

28Ipagbadya (o Muhammad): “Napag-aakala ba ninyo na kung si Allah ay pupuksa sa akin at sa aking mga kasama, o kung Siya ay maggawad ng Kanyang Habag sa atin, sino baga kaya ang makakapagligtas sa mga hindi sumasampalataya sa kasakit-sakit na Kaparusahan?”

29Ipagbadya: “Siya ang diyos na Pinakamahabagin. Sa Kanya kami ay sumasampalataya at sa Kanya ay aming ipinapaubaya ang aming pagtitiwala. At hindi maglalaon ay inyong mapag-aalaman kung sino sa atin ang nasa lantad na kamalian.”

30Ipagbadya (o Muhammad): “Napag-aakala ba ninyo na kung ang lahat ng tubig ay masaid sa kalupaan, sino baga kaya ang makakapagbigay sa inyo ng tubig na malinaw na umaagos?”

pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo

WEBREATH · 11:11

«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7

Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.

WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath