Islam
bumalik

56. Al-Waaqia

1Kung ang Pangyayari na hindi maiiwasan (alalaong baga, ang Araw ng Muling Pagkabuhay) ay dumatal na

2Na walang (kaluluwa) ang makapagtatatwa tungkol sa pagdatal nito

3Na ito ay magpapababa (sa ilan) at magtataas naman (sa iba)

4Kung ang kalupaan ay makalog sa kanyang kailaliman

5Kung ang kabundukan ay gumulong at madurog

6At ito ay maging alabok na nagsisipangalat

7At kayong (lahat) ay pagbubukod-bukurin sa tatlong uri (alalaong baga, sa tatlong pangkat)

8(Ang una), ay mga kasamahan ng Kanang Kamay (alalaong baga, sila na bibigyan ng kanilang Talaan sa kanilang kanang kamay), - Sino baga sila na nasa Kanang Kamay (bilang paggalang sa kanila sapagkat sila ay papasok sa Paraiso)

9(At ang sumunod ) ay mga Kasamahan ng Kaliwang Kamay (alalaong baga, sila na bibigyan ng kanilang Talaan sa kanilang kaliwang kamay), - Sino baga sila na nasa Kaliwang Kamay (bilang kahihiyan sa kanila sapagkat sila ay papasok sa Impiyerno)

10(At pangatlo) ang Pinakapangunahin (sa pagiging matimtiman sa Pananalig sa Islam at paniniwala sa Kaisahan ni Allah at gumagawa ng lahat ng mga pagsunod kay Allah at sa Kanyang Tagapagbalita), ay magiging tampok (sa Paraiso)

11Sila ang magiging pinakamalapit kay Allah

12Sa Halamanan ng Kaligayahan (Paraiso)

13Ang karamihan ng mga tao (sa Pinakapangunahin) ay magmumula sa mga sinaunang henerasyon (na yumakap sa Islam)

14At ang iba pang karamihan (sa Pinakapangunahin), ay sila na galing sa mga huling panahon (ng henerasyon)

15(Sila ay malalagay) sa mga luklukan na nagagayakan ng ginto at mamahaling bato

16Na nakahilig dito at magkakaharap

17Atsakanilaaynakapaligidang(mganagsisilbing) kabataan na nananatiling (sariwa) sa habang panahon

18Na may mga tangang kopita at (nangingislap) na bangang sisidlan at mga baso na puno ng dalisay na alak (mula sa batis)

19(Na sa pag-inom nito), sila ay hindi makakaramdam ng pananakit ng ulo at gayundin ng pagkalasing

20At mga bungangkahoy, anuman ang kanilang piliin

21At anumang karne ng mga pabo (at kauri nito) na kanilang maibigan

22At sila ay (magkakaroon) ng mga Houris (kasamahang babae na may magaganda, mapuputi at may maniningning na mga mata [bilang asawa ng mga matimtiman)

23Na tulad ng mga natatagong Perlas

24Bilang gantimpala sa kanilang ginawa ng nakalipas (na buhay)

25At doon ay wala silang maririnig na malalaswang salita o anumang salita ng kapintasan o kasalanan (tulad ng paninirang puri, atbp)

26Maliban lamang sa pagsasabi ng : Kapayapaan! (at muli ay) Kapayapaan

27At sila na kasamahan ng Kanang Kamay, - Sino baga sila na magiging kasamahan ng Kanang Kamay

28(Sila) ay mananahan sa gitna ng mga punong lote na walang tinik

29Sa gitna ng punong Talh (punong saging), na may mga bulaklak (at bunga) na kumpol-kumpol

30Sa malabay (at nakaladlad) na lilim

31Sa tabi ng tubig na patuloy na dumadaloy

32At mga bungangkahoy na sagana

33Na hindi nagmamaliw ang bunga (kahit wala sa panahon) at hindi nauubusan ng ani

34At sa mga luklukan (ng karangalan) na nakataas

35Pagmasdan! Katotohanang nilikha Namin ang kanilang Kasamahan (mga Dalaga), sa natatanging paglikha

36At (Aming) ginawaran sila ng pagiging birhen

37Na inaalagaan (ng kalikasan) ng pantay-pantay sa gulang

38Na nalalaan sa mga kasamahan ng Kanang Kamay

39Ang karamihan sa mga tao (ng Kanang Kamay) ay magmumula sa sinaunang henerasyon (ng mga yumakap sa Islam)

40At ang iba pang karamihan ng mga tao (ng Kanang Kamay) ay sila na galing sa (henerasyon) ng huling panahon

41At sila na kasamahan ng Kaliwang Kamay, - Sino nga ba sila na magiging kasamahan ng Kaliwang Kamay

42(Sila ay magigitna) sa nakakapasong Lagablab ng Apoy at kumukulong tubig

43At sa Anino (Lilim) ng Maitim na Usok

44(Ang Lilim) na ito ay walang anumang lamig o kaginhawahan

45Katotohanang bago pa ito (ang Kaparusahan), sila ay nalulong sa karangyaan (at luho sa kayamanan)

46At nagpatuloy sa pamimihasa sa kahiya- hiyang kabuktutan (tulad ng pagsasama ng katambal sa pagsamba kay Allah, pagpatay, paggawa ng mga krimen, atbp)

47At lagi nilang ipinagbabadya: “Ano? Kung kami ba ay mamatay at maging alabok at kalansay, kami ba ay tunay na ibabangong muli sa pagkabuhay?”

48(Kami) at ang aming mga ninuno (noong pang panahong sinauna)

49Ipagbadya (o Muhammad): “Tunay nga! Silang (mga tao) ng panahong sinauna at silang (mga tao) ng huling panahon.”

50walang pagsala na titipunin ang lahat ng sama-sama sa natataningang pakikipagtipan sa Bantog na Araw

51Katotohanang kayo na mapaggawa ng kamalian, kayo na humahalakhak (sa katotohanan) at nagtatatwa (sa Muling Pagkabuhay)

52Katotohanang inyong matitikman ang puno ng Zaqqum

53At inyong pupunuin ang inyong sikmura ng mga ito

54Tangi pa rito, kayo ay iinom ng kumukulong tubig

55Katotohanang kayo ay magsisiinom (nito) na katulad ng kamelyong may sakit na sumisingasing sa pagkauhaw

56Ito ang kanilang magiging pasalubong sa Araw ng Kabayaran

57Kami (Allah) ang lumikha sa inyo; bakit hindi ninyo saksihan ang Katotohanan

58Nakikita ba ninyo ang binhi ng tao (semilya) na inyong inilalabas

59Kayo ba ang lumikha sa mga ito (semilya, na nagiging isang ganap na tao), o Kami ba ang Manlilikha

60Itinakda Namin ang kamatayan sa inyong lahat na inyong maranasan at Kami ay hindi manlulupaypay

61Na baguhin ang inyong anyo at muli kayong likhain sa (bagong) anyo na hindi ninyo nababatid

62At katotohanang batid ninyo ang unang anyo ng paglikha (alalaong baga, ang paglikha kay Adan). Bakit nga ba hindi ninyo ipinagbubunyi ang pagpupuri sa Kanya o (kayo ay) tumatalima

63Sabihin ninyo sa Akin! Nakikita ba ninyo ang butong (binhi) na inyong itinatanim sa lupa

64Kayo ba ang nagpatubo sa mga ito o Kami ba na Manlilikha ang nagpatubo

65Kung Aming nanaisin ay magagawa Namin na maging tulyapis ito at kayo ay magsisisi (o maiiwan sa pagkamangha)

66Na magsasabi: “Katotohanang kami ay Maghramun (mga nabibigatan sa pagkakautang o nalugi at naparusahan sa kawalan ng pakinabang)

67Katotohanang kami ay hindi nakinabang (sa bunga ng aming paghihirap)

68Sabihin ninyo sa Akin! Nakikita ba ninyo ang tubig na inyong iniinom

69Kayo ba ang nagpamalisbis nito mula sa mga ulap o Kami ba na Nagpapahintulot ang nagpamalisbis nito

70Kung Aming ninais ay magagawa Namin ito na maging mapait (at maalat na hindi maiinom). Bakit nga ba kayo ay hindi nagbibigay pasalamat (kay Allah)

71Sabihin ninyo sa Akin! Nakikita ba ninyo ang apoy na inyong pinagdiringas

72Kayo ba ang nagpatubo sa mga punongkahoy na pinagkukunan ng apoy (at panggatong) o Kami ang nagpatubo nito

73Ginawa Namin ito bilang Paala-ala (saApoy ng Impiyerno sa Kabilang Buhay); at isang bagay ng kaginhawahan sa mga naninirahan sa ilang (at sa lahat ng iba pa rito sa mundo)

74Kaya’t ipagdiwang ng may pagpupuri ang Pangalan ng iyong Panginoon, ang Kataas-taasan

75Tunay nga! Aming tinawag upang magpatotoo ang Mawaqi (ang paglubog o malalaking palasyo ng mga bituin)

76At katotohanang ito ay dakilang pagsumpa, kung inyo lamang nalalaman

77At katotohanang (ito) ang pinakamarangal (at banal) na pagdalit (ang Qur’an)

78Sa isang Aklat na ganap na napapangalagaan (na kay Allah sa Kalangitan, alalaong baga ang Al Lauh Al Mahfuz)

79Na walang sinuman ang makakahipo niyaon (Aklat ni Allah) maliban sa (kanila) na dalisay at malilinis sa kasalanan (alalaong baga, ang mga anghel)

80Isang Kapahayagan (ang Qur’an) mula sa Panginoon ng lahat ng mga nilalang

81Ang Pahayag bang ito (ang Qur’an) ay hindi ninyo (mga hindi sumasampalataya) gaanong pinapahalagahan

82At sa halip (na inyong pasalamatan si Allah) sa mga biyaya na inyong ikinabubuhay mula sa Kanya, sa kabalintunaan ay inyong itinatwa Siya (sa kawalan ng pananalig)

83Nguni’t bakit hindi ninyo (pinangahasan) nang ang ( kaluluwa ng isang mamamatay na tao) ay umabot na sa kanyang lalamunan

84At kayo ay pansamantalang (nakaupo) at nakatingin lamang

85Datapuwa’t Kami (alalaong baga, ang Aming mga anghel na kumukuha ng kaluluwa) ay higit na malapit sa kanya kaysa sa inyo, subalit (sila) ay hindi ninyo nakikita

86Kaya’t bakit hindi ninyo ginawa, - kung kayo nga ay hindi sakop ng (darating) na pagsusulit at kabayaran (kaparusahan, atbp)

87Inyong ibalik (muli ang kanyang) kaluluwa sa kanyang katawan, kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan

88At kung siya (na mamamatay na) ay isa sa Muqaribun (siya na ang magiging kasama ay mga malalapit kay Allah)

89(Sasakanya) ang kapahingahan at kasiyahan sa Hardin ng Kaligayahan (Paraiso)

90At kung siya (na mamatay na) ay kasamahan ng Kanang Kamay

91(Ay sasakanya ang pagbati): Sumainyo ang kapayapaan at kapanatagan mula sa mga kasamahan ng Kanang Kamay

92Datapuwa’t kung siya (na mamamatay) ay kasama roon sa mga nagtuturing na huwad (sa katotohanan ang Muling Pagkabuhay), at tumahak sa kamalian

93Sa kanya ay isasalubong ang kumukulong tubig

94At pagkasunog sa Apoy ng Impiyerno

95Tunay ngang ito ang Lubos na Katotohanan, ang Katiyakan

96Kaya’t ipagbunyi nang may pagpupuri ang Pangalan ng iyong Panginoon, ang Kataas-taasan

pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo

WEBREATH · 11:11

«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7

Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.

WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath