Islam
bumalik

53. An-Najm

1Sa pamamagitan ng Bituin kung ito ay lumulubog (o naglalaho)

2Ang inyong kasama (Muhammad) ay hindi naligaw ng landas, gayundin ay hindi nagkamali

3At hindi rin siya nagsasabi (ng anuman) ng ayon (sa kanyang) kagustuhan

4Ito ay isa lamang Inspirasyon (Kapahayagan) na ipinahayag sa kanya

5Siya ay tinuruan (ng Qur’an) ni (Gabriel) na Mataas sa Kapangyarihan

6dhu Mirrah (ligtas sa lahat ng kapintasan sa katawan at isipan), Fastawa , na ginawaran ng karunungan, sapagkat siya (Gabriel) ay tumambad (na kapita-pitagan)

7Habang siya ay nasa pinakamataas na bahagi ng santinakpan (kawalang hanggan)

8At siya (Gabriel) ay dumating at lumapit

9Na ang layo lamang ay (tulad) ng pagitan ng dalawang binit ng pana (o higit pang malapit)

10Kaya’t (si Allah) ay nagparating ng kapahayagan sa Kanyang Alipin (na si Muhammad sa pamamagitan ni Gabriel)

11At ang puso (at isipan) ng (Propeta) ay hindi kailanman nagpasinungaling sa kanyang nakita

12Kayo baga ay makikipagtalo sa kanya (Muhammad) hinggilsakanyangnakita(sasandaling Mi’raj, ang pagpanhik ng Propeta sa ibabaw ng pitong kalangitan)

13Sapagkat katotohanang kanyang (Muhammad) nakita siya (Gabriel) sa pangalawang antas ng pag-akyat (alalaong baga, sa ibang oras)

14Sa tabi ng Sidrat-ul-Muntaha (ang punong Lote ng kawalang hanggan, na walang sinuman, pagkalagpas ng kawalang hanggan ang makakaraan)

15Na sa tabi nito ay Tirahan ng Halamanan (Paraiso)

16Pagmasdan, ang punong Lote ay nalalambungan ng ano (bagang) mga lambong

17Ang paningin (ni Propeta Muhammad) ay hindi lumihis (sa kanan o sa kaliwa), at hindi rin lumagpas sa hangganan (na itinagubilin sa kanya)

18Sapagkat katotohanan na kanyang (Muhammad) namasdan ang mga dakilang Tanda ng kanyang Panginoon (Allah)

19Nakita na ba ninyo si Lat at Uzza (dalawang diyus- diyosan ng mga paganong Arabo)

20At si Manat (ang iba pang diyus-diyosan ng mga paganong Arabo), ang pangatlo

21Ano! Sa inyo ba ang mga lalaki at sa Kanya ang mga babae

22Pagmasdan, katiyakang ito ay hindi makatarungan na pagbabaha-bahagi

23Ito ay wala ng iba kung hindi mga pangalan lamang na inyong ipinangalan, - kayo at ng inyong mga ninuno, - na rito ay hindi nagpapanaog si Allah ng anumang kapamahalaan. Sila ay walang sinusunod maliban lamang sa haka-haka at sa ninanais ng kanilang sarili (kaluluwa), kahit na katiyakang dumatal sa kanila ang Patnubay mula sa kanilang Panginoon

24o ang tao kaya ay magtatamo kung ano ang kanyang ninanais

25Datapuwa’t si Allah ang nagmamay-ari ng huli (ang Kabilang Buhay) at una (Unang Buhay sa mundong ito)

26At maraming anghel sa kalangitan na ang (kanilang) pamamagitan (kay Allah at sa mga tao) ay walang matatamo malibang pahintulutan ni Allah sa sinumang Kanyang maibigan at kinalulugdan

27Katotohanang sila na hindi sumasampalataya sa Kabilang Buhay ay nagpapangalan sa 834 mga anghel ng mga pangalang babae

28Samantalang sila ay walang kaalaman dito. Sila ay sumusunod lamang sa wala maliban sa haka-haka, at tunay ngang ang haka-haka ay hindi makakapanaig sa Katotohanan

29Kaya’t iyong talikdan (o Muhammad) siya na tumatalikod sa Aming Paala-ala (ang Qur’an), at walang ibang hinahangad maliban sa buhay sa mundong ito

30Ito lamang ang hangganan ng kanilang karunungan. Katotohanan, ang iyong Panginoon ang tunay na nakakaalam sa kanya na naliligaw sa Kanyang Landas, at ganap Niyang talastas siya na tumatanggap ng patnubay

31Tunay ngang si Allah ang nag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at nasa kalupaan, upang Kanyang mabayaran sila na gumagawa ng kasamaan ng ayon sa kanilang ginawa (alalaong baga, ang parusahan sila sa Impiyerno), at magantimpalaan Niya ang mga gumagawa ng kabutihan sa pinakamainam (alalaong baga, sa Paraiso)

32Sila na umiiwas sa mabibigat na kasalanan at Al-Fawahish (bawal na pakikipagtalik, gawaing malalaswa, atbp.), maliban sa maliliit na pagkakamali, katotohanang ang inyong Panginoon ay Tigib ng Pagpapatawad. Kayo ay ganap Niyang talastas nang kayo ay Kanyang nilikha sa kalupaan, at nang kayo ay nakatago pa sa sinapupunan ng inyong ina. Kaya’t huwag ninyong pananganan ang inyong sarili na dalisay. Ganap Niyang batid siya na may pangangamba kay Allah at nagpapanatili ng kanyang tungkulin sa Kanya

33Napagmamasdan mo ba (o Muhammad) siya na tumatalikod (sa Islam)

34Na nagbibigay ng karampot at nagmamatigas (sa kanyang puso)

35Ano! Mayroon ba siyang kaalaman ng mga nalilingid upang kanyang mamalas

36Hindi ba niya batid kung ano ang nasa dahon (ng Kasulatan) ni Moises

37At ni Abraham na tumupad (at nagparating) ng lahat (ng mga ipinag-utos ni Allah sa kanya)

38Na nagtatagubilin na walang sinuman na nagdadala ng pasanin (ng kanyang kasalanan) ang maaaring magdala ng pasanin ng iba (kasalanan ng iba)

39Na ang tao ay walang mapapakinabang maliban lamang sa kanyang pinagsusumikapan (na mabuti o masama)

40At ang (bunga) ng kanyang pagsisikap (mga gawa) ay malalantad

41Kaya’t siya ay gagantihan ng ganap sa pinakamainam na kabayaran

42Atsaiyong Panginoon(Allah) ang Huling Hantungan(ang pagbabalik ng lahat)

43At Siya (Allah) ang nagkakaloob (sa sinumang Kanyang maibigan) ng halakhak at nagkakaloob (sa sinumang Kanyang maibigan) ng luha

44At Siya (Allah) ang nagpapapangyari (naggagawad) ng kamatayan at buhay

45At Siya (Allah) ang lumilikha ng pares, - lalaki at babae

46Mula sa Nutfah (mga patak ng semilya ng lalaki at babae) na inilagay (sa sinapupunan)

47At ipinangako Niya (Allah) ang muling paglikha (ang pagkabuhay ng patay sa Araw ng Pagbangon)

48At Siya (Allah) ang nagbibigay ng sagana o karampot (o nagbibigay ng kayamanan at kasiyahan)

49At Siya (Allah) ang Panginoon ni Sirius (ang malaking bituin na sinasamba ng mga paganong Arabo)

50At Siya (Allah) ang nagwasak (sa makapangyarihang) pamayanan ni A’ad ng panahong sinauna

51At ni Thamud, at nilipol Niya ang kanilang lahi

52At ang lahi ni Noe noong panahong sinauna, sapagkat katotohanang sila ay hindi makatarungan at mapaghimagsik at ang karamihan sa kanila ay lantarang sumusuway (kay Allah at sa Kanyang Tagapagbalitang si Noe)

53At Kanyang winasak ang isinumpang lungsod (ng Sodom at Gomorrah na pinagsuguan kay Lut)

54At (Kanyang) tinabunan ito ng panabon (alalaong baga, ng kaparusahan ng pinaulan na bato)

55Kaya’t alin sa mga biyaya ng iyong Panginoon (o Tao!) ang iyong pag- aalinlanganan

56Siya (Muhammad) ay isang tagapagbabala (Tagapagbalita), sa mga kawing ng mga tagapagbabala (mga Tagapagbalita) noon pang panahong lumipas

57Ang (sandali) ng Araw ng Muling Pagkabuhay ay papalapit na

58wala ng iba pa maliban kay Allah ang makakahadlang dito (o makakapagpauna rito o makakaantala rito)

59Kayo baga ay nagsisipamangha sa ganitong Pagdalit (ng Qur’an)

60At kayo ay tumatawa rito at hindi nananangis

61Na nag-aaksaya ng inyong (mahalagang) panahon sa mga makalupang pampalipas oras at pagsasaya (pagkanta, pagsayaw, atbp)

62At manikluhod kayo na nagpapatirapa kay Allah at sambahin lamang Siya (at papurihan)

pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo

WEBREATH · 11:11

«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7

Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.

WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath