51. Adh-Dhaariyat
1Sa pamamagitan (ng hangin) na nagkakalat ng alikabok
2At sa (mga ulap) na nag-aangat (at nagdadala) ng mabigat na timbang ng tubig
3At sa (mga barko) na umuusad ng madali at banayad
4At ang (mga anghel) na namamahagi (ng mga ikabubuhay, ulan at ibang mga biyaya) sa pag- uutos (ni Allah)
5Katotohanan, ang ipinangako sa inyo (alalaong baga, ang Muling Pagkabuhay at ang pagtanggap ng gantimpala o kaparusahan sa mabuti o masamang gawa) ay katiyakang tunay
6At walang pagsala, ang Kabayaran (kahatulan sa katarungan) ay katotohanang magaganap
7Sa pamamagitan ng alapaap (langit) na may maraming Landas
8Katotohanang kayo ay may magkakaibang pananaw (tungkol kay Muhammad at sa Qur’an)
9Siya kaya na tumalikod dito (alalaong baga, kay Muhammad at sa Qur’an) ay siya kaya na natalikod (sa pamamagitan ng Pag-uutos at Takdang Kahihinatnan ni Allah)
10Sumpain ang mga mapaggawa ng kabulaanan
11Sila na nasa ilalim ng lambong ng kawalang pakikinig at pagsunod (na nagwawalang bahala sa kahalagahan ng Kabilang Buhay)
12Sila ay nagtatanong; “Kailan nga ba ang Araw ng Kabayaran (Paghuhukom sa Katarungan)?”
13(Ito ang) Araw na sila ay isusugba (at susubukan ) sa Apoy
14“Lasapin ninyo ang inyong pagsubok (pagkasunog)! Ito ang inyong itinatanong na madaliin!”
15Katotohanan, ang Muttaqun (mga matutuwid, matimtimang tao na umiiwas sa lahat ng mga ipinagbabawal at sumusunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ni Allah), sila ay magigitna sa Halamanan at Batisan (sa Paraiso)
16Na nagtatamasa ng kasiyahan sa mga bagay na iginawad ng kanilang Panginoon. Katotohanang noong una pa rito, sila ay naging Muhsinun (mga mapaggawa ng mga kabutihan at katuwiran)
17Sila ay nahirati nang matulog ng maigsi lamang sa oras nang gabi (na naninikluhod sa kanilang Panginoon [Allah] at nananalangin ng may pangangamba at pag-asa
18At sa mga oras ng bukang liwayway, sila ay (natagpuan) na nagsisipanalangin ng kapatawaran (kay Allah)
19At sa kanilang kayamanan ay mayroon dapat na ibahagi sa mga pulubi at sa Mahrum (mga naghihikahos na hindi nanglilimos sa iba)
20At sa Kalupaan ay naririto ang mga Tanda sa mga may Pananalig na may katiyakan
21At gayundin sa inyong mga sarili. Hindi baga ninyo nakikita
22At sa kalangitan ay naroroon ang inyong biyaya, na sa inyo ay ipinangako
23Kaya’t sa pamamagitan ng Panginoon ng kalangitan at kalupaan, ito ang tunay na Katotohanan (alalaong baga, ang ipinangako sa inyo), at gayundin ang katunayan na kayo ay makakapangusap sa isa’t isa ng may katalinuhan
24Nakarating na ba sa iyo ang kasaysayan ng marangal na Panauhin ni Abraham (ang tatlong anghel; si Gabriel at dalawang iba pa)
25Pagmasdan, nang sila (mga anghel ) ay magsitambad sa kanyang harapan at nagsabi: “Kapayapaan!” Siya (Abraham) ay pumakli: “Kapayapaan!, at nagsabi: “Kayo ay mga tao na hindi ko kakilala.”
26At siya ay maligsing bumaling sa kanyang kasambahay, at siya ay naglabas ng isang litsong baka (ang karamihan ng ari-arian ni Abraham ay mga baka)
27At inilatag (inihain) niya ito sa kanilang harapan at nagsabi: “ Hindi ba kayo kakain? “
28(At nang sila ay hindi kumain ), siya ay nakadama ng pagkatakot sa kanila. Sila ay nagbadya: “ Huwag kang matakot.”, (nang mapuna ng mga anghel ang pangamba sa mukha ni Abraham, sila ay nagpakilala na sila ay mga Tagapagbalita ni Allah), at sila ay nagbigay sa kanya ng masayang balita (nang pagdatal) ng isang anak na lalaki (Isaac) na may karunungan (tungkol kay Allah at sa Kanyang Kaisahan, sa Kanyang Relihiyon at Islam)
29Datapuwa’t ang kanyang asawa ay lumapit sa kanila na nag-iingay; na tumatampal sa kanyang mukha, at nagsabi: “(Ako) ay isang baog at matandang babae!” (alalaong baga, paano siya [Sarah] magkakaanak gayong siya ay humigit-kumulang na sa 99 taon
30Sila (mga anghel) ay nagturing: “Kahit na, ang wika ng iyong Panginoon. Katotohanang Siya ay Tigib ng Karunungan, ang Puspos ng Kaalaman.”
31(Si Abraham) ay nagsabi: “Kung gayon, o kayong mga Sugo, ano ang inyong layunin sa inyong pagparito
32Sila ay nagturing: “Kami ay isinugo sa mga tao na Mujrimun (mga nakalubog sa kasalanan, buktot, tampalasan, walang pananalig kay Allah, kriminal, atbp)
33Upang ihatid sa kanila, (ang ulan) ng mga batong putik
34Na itinakda ng iyong Panginoon sa Musrifun (mga mapagsamba sa diyus-diyosan, nagmamalabis sa pagsuway sa lahat ng hangganan, makasalanan, atbp.).”
35Kaya’t Aming inilikas ang mga nananampalataya na naroroon
36Ngunit wala Kaming natagpuan doon na anumang sambahayang Muslim maliban sa isa (alalaong baga, si Lut at ang kanyang dalawang anak na babae)
37At nag-iwan Kami roon ng isang Tanda (alalaong baga, ang pook ng Patay na Dagat [Dead Sea] na bantog sa Palestina), sa mga may pangangamba sa Kasakit-sakit na Kaparusahan
38At kay Moises din (ay may isang Tanda). Pagmasdan, nang isinugo Namin siya kay Paraon na may lantad na kapamahalaan
39Datapuwa’t (si Paraon) ay tumalikod (sa pananampalataya ng may karahasan) na kasama ang kanyang mga kabig, at nagsabi: “Isang manggagaway, isang inaalihan (ng demonyo)!”
40Kaya’t Aming sinukol siya at ang kanyang mga kabig, at sila ay inihagis Namin sa dagat, habang nasa kanya ang bunton ng paninisi
41At kay A’ad (ay mayroon ding isang Tanda): Pagmasdan, nang Aming ipinadala laban sa kanila ang mapaminsalang Hangin
42Ito (ang Hangin) ay hindi nag-iwan ng anuman sa landas na kanyang tinahak maliban sa pagkasira at pagkabulok
43At kay Thamud (ay mayroon ding isang Tanda): Pagmasdan, sila ay pinagsabihan: “Pansamantala kayong magpakasaya sa inyong sarili!”
44Datapuwa’t sila ay tandisang tumutol sa pag-uutos ng kanilang Panginoon, kaya’t ang Sa’iqa (ang mapaminsalang hiyaw, kaparusahan, nag-aapoy na kidlat, atbp.) ay lumukob sa kanila habang sila ay nagmamasid
45At hindi nila nakuhang makatindig sa kanilang sarili, gayundin ay hindi nila matulungan ang kanilang sarili
46(At gayundin naman) ang mga tao ni Noe na una pa sa kanila. Katotohanang sila ay mga tao na Fasiqun (mapaghimagsik, palasuway kay Allah, buktot, buhong)
47Aming itinayo ang Kalangitan (sa kaitaasan) ng may kapangyarihan. Katotohanang magagawa Namin na palawigin ang kalawakang yaon
48At Aming inilatag ang (maaliwalas) na kalupaan. Pagmasdan kung paano Namin inilatag ito ng may kagalingan
49At sa bawat bagay ay lumikha Kami ng pares, upang inyong magunita (ang Biyaya ni Allah)
50Kaya’t pasaklolo kayo (sa Habag) ni Allah. Katotohanang ako (Muhammad) ay isang Tagapagbabala sa inyo mula sa Kanya
51At huwag ninyong ituring ang iba pang bagay (sa inyong pagsamba) na katambal ni Allah (Siya lamang ang luwalhatiin, higit Siyang Mataas sa lahat nang iniaakibat sa Kanya). Katotohanang ako (Muhammad) ay isang Tagapagbabala sa inyo mula sa Kanya
52Gayundin naman, walang sinumang Tagapagbalita ang dumatal sa kanilang pamayanan na hindi nila pinagwikaan maliban sa magkakatulad na bintang: “Isang manggagaway o isang inaalihan (ng demonyo)!”
53Sila baga (na mga tao ng panahong sinauna) ay nagpamana ng palipat-lipat na salita sa kanila (na mga paganong Quraish)? Tunay nga, sila ang mga tao na lumabag sa pagsuway sa lahat ng hangganan (ng kawalang pananalig)
54Kaya’t lumayo ka (O Muhammad) sa kanila (na paganong Quraish), ikaw ay hindi bibigyang sisi (sapagkat naipaabot mo ang Mensahe ni Allah)
55Datapuwa’t paalalahanan mo sila (o Muhammad) sa pamamagitan ng pangangaral (ng Qur’an), sapagkat katotohanan, ang pagpapaala-ala ay kapakinabangan sa mga sumasampalataya
56At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga Tao maliban na tanging sambahin lamang Ako
57HindiAkonaghahangadngpagtataguyodmulasakanila (alalaong baga, ng ikabubuhay sa kanilang sarili o sa Aking mga nilalang), gayundin naman Ako ay hindi naghihingi sa kanila na Ako ay kanilang pakainin (alalaong baga, ang pakainin ang kanilang sarili o ang Aking mga nilalang)
58Sapagkat katotohanang si Allah ang Tagapanustos ng Lahat, (Siya ang nagbibigay ng lahat ng ikinabubuhay), ang Panginoonng Kapamahalaan, ang Pinakamakapangyarihan
59At katotohanang sa mga mapaggawa ng kamalian, ay mayroong isang bahagi ng kaparusahan na katulad ng masamang bahagi ng kaparusahan (na dumatal) sa kanilang mga kasamahan (ng sinaunang lahi), kaya’t huwag nilang hilingin sa Akin na madaliin Ko ( ang gayong bahagi)
60Kung gayon, kasawian sa mga hindi sumasampalataya (kay Allah at sa Kanyang Kaisahan; sa Islam) sa takdang Araw na laan para sa kanila, na sa kanila ay ipinangako
pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo
WEBREATH · 11:11
«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7
Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.
WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath