Islam
bumalik

50. Qaaf

1Qaf (titik Q): Sa pamamagitan ng Maluwalhating Qur’an (ikaw o Muhammad ay tunay na Tagapagbalita ni Allah)

2Datapuwa’t sila ay namangha nang dumatal sa kanilang lipon ang isang Tagapagbabala. Kaya’t ang mga hindi sumasampalataya ay nagsabi: “Ito ay isang kamangha- manghang bagay!”

3“Ano? Na kung kami ay mamatay at maging abo, (kami ay muling mabubuhay?) Ito ay isang paraan ng Pagbabalik na malayo (sa aming pang-unawa).”

4Talastas Namin kung ilan sa kanila ang kinuha (inilibing) ng lupa (na mga patay na katawan). At nasa Amin ang isang Talaan (na nag-iingat sa lahat ng pagsusulit)

5Datapuwa’t itinatwa nila ang katotohanan (ang Qur’an) nang ito ay dumatal sa kanila, at sila ay nasa kalituhan (alalaong baga, hindi nila makilala ang pagkakaiba ng tumpak at mali)

6Hindi baga sila nagmamasid sa alapaap (langit) sa kaitaasan? Kung paano Namin nilikha at ginayakan yaon, at doon ay walang anumang kasahulan

7At ang kalupaan! Aming inilatag ito at nilagyan ng kabundukan na nakatayo nang matatag, at nagpatubo (Kami) rito ng lahat ng uri ng magagandang pananim (na magkakatambal)

8Bilang pananaw at pagunita (paala-ala) sa bawat tagapaglingkod na nagbabalik-loob kay Allah (alalaong baga, siya na sumasampalataya kay Allah at gumagawa ng mga pagsunod sa Kanya at laging humihingi ng Kanyang kapatawaran)

9At pinamalisbis Namin mula sa alapaap ang ulan na puno ng biyaya, at pinasibol Namin dito (sa kalupaan) ang mga halamanan at butil sa mga pag-aani

10At matataas (at mabibikas) na punong palmera (datiles) na may mga piling na hitik sa bunga

11Bilang mga pagkain at ikabubuhay ng mga tagapaglingkod (ni Allah); at ginawaran Namin ng (bagong) buhay ang patay (tigang) na lupa. Sa ganitong (paghahambing) ang Muling Pagkabuhay (ng patay)

12Bago pa man sila, ay itinatwa na ng Pamayanan ni Noe, ng mga Kasamahan ni Rass, (ng tribu) ni Thamud (ang Kabilang Buhay)

13Ni A’ad, Paraon, at mga kapatid ni Lut

14At ng mga Naninirahan sa Kakahuyan, at ng pamayanan ng Tubba. Ang bawat isa sa kanila ay nagtakwil sa (kanilang) mga Tagapagbalita, kaya’t ang Aking Babala ay ipinatupad sa kanila

15Kami (Allah) baga ay napagal sa Aming Unang Paglikha, at sila ay naguguluhan at nag-aalinlangan sa bagong Paglikha (alalaong baga, ang Muling Pagkabuhay)

16At katotohanang Kami ang lumikha sa tao, at batid Namin kung ano ang ibinubulong ng kanyang kaluluwa; sapagkat higit Kaming malapit sa kanya (sa Aming karunungan) kaysa sa kanyang ugat sa leeg

17Pagmasdan ang dalawang (nagbabantay na anghel ) na nakatalaga upang maalaman (ang kanyang mga gawa), mabatid (at maitala ito). Isa ang nakaupo sa kanan at isa sa kaliwa

18walang isa mang salita na kanyang usalin ang makakahulagpos sa matamang Tagapagbantay

19At ang pagkabaghan (pagkatuliro) sa kamatayan ay daratal sa katotohanan. “Ito ang bagay na pinagsusumikapan mong takasan!”

20At ang Tambuli ay hihipan. Ito ang Araw na ang Babala ay iginawad (alalaong baga, ang Araw ng Muling Pagkabuhay)

21At ang bawat kaluluwa ay magsisilapit; na sa bawat isa ay (may anghel) na humihila at (anghel) na nagbibigay patotoo

22(At sa makasalanan ay ipagsasaysay ): “Katotohanang ikaw ay hindi nakinig dito, ngayon ay Aming tinanggal ang iyong lambong, at higit na matalim ang iyong paningin sa Araw na ito!”

23At ang kanyang kasamang (anghel) ay magsasabi: “Narito sa akin ang Talaan na laging nakahanda!”

24(At ang kahatulan ay ito:) “Kayong dalawa (mga anghel), inyong itapon sa Impiyerno ang bawat isang matigas ang ulo na walang pananalig (sa Kaisahan ni Allah, sa Kanyang mga Tagapagbalita, atbp.)!”

25“ Na nagbabawal sa mga mabubuti, na nagmalabis sa hangganan (ng pagsuway ), at nag-aalinlangan

26Na nagtitindig ng iba pang diyos bilang katambal ni Allah, siya ay kapwa ninyo (ang mga anghel) itapon sa Kasakit-sakit na Kaparusahan.”

27Ang kanyang kasama (si Satanas) ay magsasabi: “Aming Panginoon! Siya ay hindi ko itinulak na magmalabis sa pagsuway (kawalan ng pananalig, pang-aapi, kabuktutan), datapuwa’t siya (sa kanyang sarili) ay nasa kamalian at pagkaligaw na malayo.”

28Si Allah ay magwiwika: “Huwag kayong magtalo sa Aking Harapan. Noon pa mang una, Ako ay nagparating na sa inyo ng Babala.”

29“Ang Aking Salita ay hindi magbabago, at Ako ay hindi maggagawad ng kahit isa mang katiting ng di katarungan sa Aking mga alipin”

30Sa Araw na Aming tatanungin ang Impiyerno:, “Ikaw baga ay nalalagyan na ng husto?” Ito ay magsasabi: “ Mayroon pa bang ibang darating?”

31At ang Halamanan (Paraiso) ay itatambad nang malapit sa Muttaqun (mga matutuwid at matimtimang tao na umiiwas sa lahat ng mga ipinagbabawal at sumusunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ni Allah)

32(At dito ay ipagbabadya): “ Ito ang ipinangako sa inyo, (ito ay para) sa kanila na lagi nang nagbabalik-loob (kay Allah) sa taos na pagsisisi at nagpapanatili sa kanilang kasunduan kay Allah (sa pagsunod sa Kanya sa lahat ng Kanyang ipinag-utos at sumasamba lamang sa Kanya)

33“ Na nangangamba sa Pinakamapagbigay (Allah) sa Ghaib (Lingid) [alalaong baga, sa buhay sa mundong ito bago ang pagkikita at pakikipagtipan sa Kanya, at nag-aalay ng puso na sagana sa debosyon (sa Kanya)]”

34“ Magsipasok kayo rito sa kapayapaan at kapanatagan; ito ang Araw ng walang Hanggang Buhay!”

35Matatamasa nila rito ang lahat nilang ninanais, at mayroon pang ibang nakalaan na nasa Amin

36Ngunit ilan na bang mga lahi ang winasak Namin nang una pa rito (dahilan sa kanilang kabuktutan), na higit na malakas sa kapangyarihan sa kanila? (At nang ang Kaparusahan ay dumatal), sila ay nagsipamayagpag sa kalupaan (upang maghanap ng kanlungan)! Makakatagpo ba sila ng anumang pook ng kanlungan (upang iligtas ang kanilang sarili sa pagkawasak)

37Katotohanang naririto ang isang tiyak na Paala-ala sa sinuman na may puso at pang-unawa o siya na dumirinig at isang saksi

38Katotohanang nilikha Namin ang kalangitan at kalupaan at lahat ng nasa pagitan nito sa anim na araw, at walang anumang pagkapagal ang nakapanaig sa Amin

39Kaya’t iyong pagtiisan (O Muhammad) ang lahat nilang sinasabi, at ipagbunyi mo ang mga pagpupuri sa iyong Panginoon, bago dumatal ang pagbubukang liwayway at bago kumagat ang dilim (alalaong baga, ang pang-umaga, pangtanghali at panghapong panalangin - Fajr, Dhuhur at Asr)

40At (gayundin) sa mga bahagi ng gabi, ipagbunyi ang Kanyang mga papuri (alalaong baga, ang pangtakipsilim at panggabing panalangin – Maghrib at Isha), (at gayundin naman) pagkatapos ng pagpapatirapa (sa pananalangin), [katulad halimbawa ng pagdalit ng isang daang beses ng Subhan Allah, Alhamdu lillah, Allahu Akbar]

41At pakinggan sa Araw (na yaon) kung ang Tagatawag ay tumawag na sa isang pook na lubhang malapit

42Sa Araw na sila ay makakarinig ng (malakas) na Pagsambulat na (walang pagsala), at sa katotohanan (alalaong baga, ang paglabas ng mga tao sa kanilang libingan), ito ang Araw ng Muling Pagkabuhay

43Katotohanang Kami ang naggagawad ng Buhay at nagkakaloob ng Kamatayan; at sa Amin ang Huling Pagbabalik

44Sa Araw na ang Kalupaan ay malalansag (sa pagkabiyak), na hinahayaan sila na nagmamadali sa paglabas: ito ang takdang pagtitipon na lubhang magaan sa Amin

45Labis Naming nababatid ang kanilang sinasabi; at ikaw (o Muhammad) ay hindi (siyang) makakapagpasunod nang sapilitan sa kanila (upang manampalataya). Kaya’t pagtagubilinan mo sila sa pamamagitan ng Qur’an na pangambahan nila ang Aking Babala

pinagmulan: Abdullatif Eduardo M. Arceo

WEBREATH · 11:11

«If you are thankful, I will give you more» — Quran 14:7

Breath is one for all: everyone lives by it, whoever they are and whatever they believe. Every day at 11:11 local time people stop for sixty seconds, breathe, and thank GOD for the breath — each in their own words, each within themselves. In that minute we are One Breath.

WEBREATH — the Minute at 11:11, your own local time — we are One Breath